ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kapuso stars, bibida sa mga pelikula sa indie film fest




Excited na ang ilang Kapuso stars para ipakita ang kanilang mga kakayahan sa larangan ng independent cinema.
 
Ilan sa mga GMA artists sa magkakaroon ng pelikula sa Cinemalaya Film Festival ngayong taon ay sina Rocco Nacino, Elmo Magalona, Enzo Pineda, Martin del Rosario, Jake Vargas, Rita de Guzman, Ken Chan, Nova Villa, Migs Cuaderno, Buboy Villar at Rafa Siguion-Reyna, Jeric Gonzales at Jak Roberto.
 
Bibida si Elmo sa pelikulang #Y na kasama sa New Breed category at idinirect ni Gino M. Santos. Ang pelikula ay sasalamin sa kultura ng kabataan sa kasalukuyang henerasyon.
 
Kuwento ni Elmo sa 24 Oras, “Ito ‘yung experience na matagal ko nang inaasam rin kasi kumbaga, dito mo mapapakita kung tunay kang actor.”
 
Si Rocco Nacino naman, bibida sa pelikulang Hustisya na kasama sa Directors’ Showcase category ng film festival. Kasama ni Rocco ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor sa pelikulang idinirect ni Joel Lamangan.
 
Sa pelikula, gaganap bilang isang makapangyarihang abugado si Rocco. Puspusan daw ang kanyang paghahanda para sa kanyang karakter dahil alam niyang bigating kaeksena ang Superstar.
 
Masaya siya na mapabilang ulit sa Cinemalaya ngayong taon. 
 
“Masarap, and it’s nice to see a lot of artists na sumali dito,” ani Rocco.
 
Una niyang Cinemalaya film ay Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa noong 2011, kung saan napansin ang kanyang husay sa pag-arte. -- Samantha Portillo, GMANetwork.com