ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Rocco Nacino tackles challenging role as PMA cadet in new soap with Dennis Trillo


Pinakamalaking challenge daw para kay Rocco Nacino ang kanyang role sa Hiram Na Alaala. 
 
Mga kadete sa Philippine Military Academy (PMA) ang role nila ni Dennis Trillo sa upcoming GMA primetime series na ito, kung saan tampok din si Kris Bernal.
 
Nakakapanibago nga ang hitsura ni Rocco nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, August 17, sa studio ng Sunday All Stars.
 
Hindi raw siya sanay sa sobrang ikling haircut.
 
Natatawang pag-amin ni Rocco, “Medyo maluha-luha ako nung ginupitan ako at inahitan!
 
“But then, it’s a new experience. Talagang challenge siya para sa akin.
 
“Pero mas naramdaman ko yung character ko after doing this.
 
“At actually, okey siya, malamig siya sa ulo!
 
“First time na magupitan ako ng ganito kaiksi. Medyo tumubo na nga, e. 
 
“Nung ginupitan ako last week, skinhead talaga. 
 
“Nung first night na ganito ang buhok ko, hindi ako makatulog, kasi nanibago talaga ako.
 
“But then ano… ramdam na ramdam ko yung character ko. 
 
“Ngayon nga, naka-PMA na dog tag ako para mas maramdaman ko pa.
 
“Yung taping namin, nasa part na naka-graduate na ako from the PMA at makikilala ko na si Dennis.”
 
PMA TRAINING. Sumailalim din daw sila ni Dennis sa training na karaniwang pinagdadaanan ng mga kadete sa PMA.
 
Kuwento ni Rocco, “Hindi rin biro yung training. May mga martsa at mga obstacle courses.
 
“Pero hindi ko ginawa lahat kasi nga may taping pa.
 
“Kahit nga yung 15 minutes lang na training, sobrang nakakapagod na. 
 
“Kaya nga after the whole day na may training, ‘tapos taping…
 
“Humanga lalo ako sa kanila, sa mga taong gustong maging tagapagtanggol ng bansa natin. They go through hardships talaga. 
 
“At kailangang matibay sila para maging... alam mo ‘yon? Para maging tagapagtanggol ng bansa natin.”
 
Lahad pa niya, “May isang scene nga na sinurprise ako ng director namin. Yung kung paano salubungin dun nga sa PMA. 
 
“Ang akala ko magsi-shake hands lang, pero yun pala sinubok kami dun!
 
“Kung anu-ano ang ipinapagawa sa amin. May jumping jack, push-ups, sit-ups, may pinagsisigawan pa kami sa tenga.
 
“Na-surprise talaga ako dun. Pero at least, natural yung nangyari, ipina-experience sa akin."
 
ACTING BATTLE. Ayon kay Rocco, “Wala pang nakunang eksena namin ni Dennis together… soon.
 
“Yung part na sasabak kami sa giyera at yung mga bonding namin.
 
“’Tapos may mangyayari, kaya yung title, Hiram Na Alaala.
 
“And babalik ako, kumbaga.
 
“Hindi kami nagkasamang mag-training ni Dennis, nauna ako.
 
“Kasi yung character ko, dumaan sa buong four-year course sa PMA. 
 
“Pero si Dennis, nung na-meet ko sa story, sundalo na.”
 
Handa na ba siyang makipagtagisan ng galing sa pag-arte kay Dennis?
 
Sagot ni Rocco, “I never thought of competition dito. 
 
“Dahil iba yung atake ng character ko at iba rin ang atake nung sa kanya.
 
“We both deal with different psychological issues here. Kaya iba yung pag-arte niya sa character niya, iba rin yung sa akin.
 
“Okey naman ako, wala namang kumpetisyon.
 
“It’s an honor, of course, working with Dennis. 
 
“Sa first soap ko, kasama ko si Dennis, e, kaya isa rin siya sa mga naging idols ko.”
 
Ang tinutukoy ni Rocco ay ang afternoon soap na Gumapang Ka Sa Lusak noong 2010. — Ruben Marasigan, PEP