ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Regine Velasquez-Alcasid on doing movies, TV shows: 'Di na kaya ng powers ko!'


Dalawang taon nang hindi nakakagawa ng pelikula ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid.

Ang huling pelikula na ginawa ng singer-actress-TV host ay ang "Of All The Things" noong 2012 kunsaan katambal niya si Aga Muhlach.

Sa naging panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Regine sa press launch ng reality-talent competition program na "Bet ng Bayan," inamin niya na gustuhin man daw niya na gumawa ng maraming pelikula, hindi na raw ito kakayanin ng schedule niya.

Aminado si Regine na nami-miss niyang gumawa ng pelikula pati na rin ng teleserye.

Sabi niya, “Sa totoo lang, nami-miss ko rin. Pero ang hirap kasi, hindi na kaya ng powers ko!

“Lalo na ngayon because I have Bet ng Bayan, where we travel to different provinces.

“So sa biyahe pa lang, pagod na ang lola niyo.

“Pero enjoy kong gawin ang Bet ng Bayan kasi nakakatuwa yung mga auditions.

“Alam niyo naman na dumaan din ako sa ganyan noon. Kaya sobra akong nakaka-relate sa mga nag-o-audition for our show.”

Busy

Nagte-taping din si Regine for her cooking show na "Sarap Diva" at lumalabas din siya sa Sunday All Stars.

“Kaya saan pa papasok ang paggawa ng pelikula, ‘di ba?

“Although gusto ko, walang malugaran sa rami ng ginagawa ko.

“Hopefully, kapag naging maluwag na ang schedule natin, makakabalik ako sa paggawa ng movies,” dalangin niya.

Huling teleserye naman na ginawa ni Regine ay ang "I Heart You Pare" kasama si Dingdong Dantes noong 2011.

Kuwento pa niya, “Three years na akong hindi pala nagte-teleserye.

“Yung last ko nga was I Heart You Pare which was three years ago pa.

“Kung matatandaan ninyo, hindi ko pa nga natapos because I got pregnant na with Nate. Si Iza Calzado yung pumalit sa akin.

“Nakakapagod na kasi ang gumawa ng teleserye, ‘di ba? Pamorningan.

“At masakit mang aminin, syumosyonda [tumatanda] na tayo. Hindi na kaya ng lola niyo ang mapuyat parati!” sabi niya.

Family is priority

Mas priority nga raw ni Regine ay ang kanyang pamilya dahil enjoy siyang maging isang homemaker sa kanyang mister na si Ogie Alcasid at anak na si Nate.

“Iba talaga, e. Hindi mo na iniisip na work pa rin ang pag-asikaso sa pamilya mo.

“It’s something that I enjoy doing for them. And I really enjoy myself cooking for them and taking care of my boys.

“Parang ang sarap ng buhay ko ngayon.

“Walang puwedeng mai-compare sa nararanasan ko ngayon with my husband and son.

“It’s an unexplainable joy,” ngiti pa niya.

Instagram

Mas gusto pa nga raw ni Regine na mas marami siyang oras na naibibigay sa kanyang anak para nakikita niya ang paglaki nito at ayaw niyang may ma-miss sila ni Ogie na bagong ginagawa nito.

“Kaya nga masigasig ako sa pag-post ng mga photos and videos sa Instagram, ‘di ba?

“Lahat ng mga nagiging activities ni Nate, pinu-post namin ni Ogie on social media.

“Doon namin nakikita yung progress ni Nate. Yung mga new words na nasasabi na niya pati na yung mga travels niya with us.

“We want to share our happiness with our followers on social media.

“As much as possible kasi, gusto naming nakakasama si Nate sa mga biyahe namin. Para wala kaming ma-miss out sa mga ginagawa niya every day,” lahad pa ni Regine.

Nate's birthday

Sa susunod na buwan ay magiging three years old na si Nate. Wala pa raw silang naiisip na theme para sa birthday party ng anak.

“Pagmimitingan pa yata namin!” tawa pa niya.

“Marami kasing gusto si Nate. Marami na siyang hilig gawin.

“Baka kapag naka-decide na kami sa theme ng party niya, biglang may iba na naman siyang gusto.

“Kaya kakausapin namin siya nang mabuti kung ano ang gusto niya for his party.

“Pero siyempre as parents, mas gusto namin ni Ogie na mae-enjoy niya ang birthday niya with his friends.” — Pep.ph