Sen. Santiago memes, nanguna sa ‘Ang Pinaka’ Popular Pinoy memes
Sikat na sikat sa social media ang iba't ibang meme, mga nakakatuwang larawan, video, text o ideya na ginagawa ng netizens at pinapakalat online.
Kabilang sa mga pinakasikat na memes na nagbibigay-saya sa mga Pinoy netizens ang Thor memes, John Lloyd memes, Pnoy memes, Kris Aquino memes, Senyora Santibañez memes, Beauty contests memes, Janet Napoles memes, Nancy Binay memes, at Princess Sarah memes.
Ngunit ang nanguna sa lahat, ayon sa 'Ang Pinaka' ng GMA News TV nitong November 9, ay ang mga meme ni Senator Miriam Defensor-Santiago.
Bukod sa pagiging isa sa pinakamatapang na senador, nakilala na rin si Sen. Miriam sa kanyang mga punchlines, quotes, and pick-up lines, gaya ng “Leaders are not born but are made. You, in conclusion, can make yourself a leader” at “Ang galing mo rin, ano. Hindi mo pa ako binabato, tinamaan na ako sa'yo.”
Ayon sa TV host at Energy FM DJ na si MR. Fu, naging simbolo na ng katapangan si Miriam sa Senado, kaya naman sa tuwing mayroong isyu, laging maaasahang mayroong panibagong Sen. Miriam meme.
Para na nga raw 'living meme machine' si Sen. Miriam, pahayag ni Alwynn Javier, isang award-winning na manunulat. “Sa mga talumpati niya sa unibersidad o sa mga panayam niya sa media pagkatapos ng hearing, lagi siyang mayroong papakawalang pasabog.”
Dagdag pa niya, nagagamit ng mga tao ang memes upang ilabas ang kanilang galit o inis hindi lamang sa mga isyu ng bayan, kundi sa iba-iba pang mga bagay.
Sa kabila ng kasikatan ng mga Sen. Miriam memes, maaari nga bang makaapekto ito sa kung paano siya tignan ng mga tao at maging gma kasamahan sa Senado?
Ani Javier, nakakaapekto ito sa popularidad ng senador ngunit hindi masasabi kung purong maganda ba ang mga epektong ito.
“Maaaring makaapekto sa popularidad ni Miriam, pero hindi natin masasabi kung magta-translate ito sa boto o political support sapagkat may silbi yung meme na pwedeng lagpas pa sa political career ni Miriam-- si Miriam bilang isang character o public figure.”
“Minsan witty or funny pa rin ang hirit niya sa mga seryosong usapan sa Senado pero sineseryoso pa rin ba siya ng mga kalaban niya sa politika? Maaaring i-dismiss ito bilang patawa na lang,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, hindi maikakailang patuloy ang paglaganap ng Sen. Miriam memes, kasabay ng iba't iba pang klaseng memes, na nakapagpapagaan ng loob ng mga Pilipino anomang isyu ang hinaharap ng bansa o problemang hinaharap nila sa kani-kanilang mga buhay. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News