ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Film making competition para sa Quezon City film fest, binuksan


Kasabay ng paglulunsad ng International Documentary Competition ng QCinema International Film Festival, binuksan din ng lokal na pamahaan ng Quezon City ang kanilang film Circle Competition para ngayong 2015.

Ang pagbubukas ng Circle Competition para sa mga aspiring filmmaker ngayong 2015 ay inanunsiyo ng Quezon City Film Development Commission (QCFDC) sa isang pahayag.
 
Aabot ng P9 milyon ang ipagkakaloob na pondo sa mga mapipiling kalahok para sa naturang kompetisyon. 
 
Walong narrative feature films ang makatatanggap ng tig-P1 milyong pondo sa paggawa ng pelikula na magiging bahagi ng Circle Competition for New Filmmakers ng QCinema. Samantala, limang full-length documentary films naman ang mabibigyan ng tig-P20,000 pondo na magiging bahagi ng DoQC International Documentary Competition.
 
Ang mga pelikulang ilalahok sa nasabing kompetisyon ay maaaaring mapabilang sa Pylon Awards kung saan mayroon ding pagkakataong manalo ng cash prize.
 
Bukas ang Circle Competition sa mga bagong filmmaker na hindi lalampas sa tatlo ang nagawang feature films. Upang makasali, kinakailangang magpasa ng QCinema 2015 application form, profile ng direktor, writer, at producer, isang soft copy (.pdf) at hard copy ng 1-page synopsis, director's statement, sequence outline, at buong screenplay (60 or more sequences, 100 or less minutes), pati na ang ilang sample na gawa ng direktor (DVD). Kinakailangan ding magpasa ng proposed budget outline mula sa pre-production, production, at post-production.
 
Ang mga ipapasang pelikula ay dapat may English subtitles at nasa AVI format. Maaaring kumuha ng co-financier basta hindi lalampas sa P3 milyon ang kabuuang budget.
 
Samantala, para naman sa DoQC International Documentary Competition, tanging mga Filipino citizen lamang ang maaaring lumahok. Upang makasali, kinakailangang magpasa ng QCinema 2015 application form, profile ng filmmaker, isang soft copy (.pdf) at hard copy ng concept paper, director's statement at topic outline, director's reel at sample works (DVD), at proposed budget outline mula sa pre-production, production, at post-production.
 
Ang ipapasang documentary ay maaaring 45-90 minuto, at kinakailangang may English subtitles at nasa AVI format.
 
Ang deadline para Circle Competition at sa Pebrero 20, 2015, 5:00 p.m., habang sa Marso 20, 2015, 5:00 p.m. naman ang deadline para sa DoQC International Documentary Competition. 
 
Gaganapin ang Philippine premiere ng mga pelikula at dokumentaryong ipapasa sa QCinema sa darating na Oktubre 22 hanggang 31, 2015.
 
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang Facebook page ng Quezon City Film Fest. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News