Carla Abellana gushes about being photographed by Nigel Barker again
Isa ang Kapuso actress at leading lady na si Carla Abellana sa mga local celebrities na maswerteng nakatrabaho ng sikat na international photographer na si Nigel Barker para sa isang photoshoot ng beauty clinic endorsement nitong nakaraang linggo.
Matatandaang nakasama na ni Carla si Nigel noon para naman sa shoot ng isang anti-aging product endorsement, ngunit hanggang ngayon ay labis pa rin ang tuwa at pagpapasalamat ng aktres na makatrabaho muli ang world-renowned photographer.
Sa isang Instagram post nga nitong Huwebes, sinabi ng Kapuso leading lady na masaya siyang naaalala pa siya ng batikang photographer, at ikinatuwa rin niya ang mga compliments na ibinigay nito sa kanya.
Aniya, "Who would've known that I'd be working with @nigelbarker again? What a treat that he remembered me! Thank you, Mr. Barker, not just for telling me i'm beautiful but more importantly, for making me feel beautiful despite criticisms thrown at me. You certainly are such a pleasure to work with, sir. May God bless you more."
Kabilang sa local celebrities na nakasama ni Carla at Nigel sa naturang photoshoot sina Kapuso Primetime King Dingdong Dantes, pati na ang Kapuso leading man at pinakabagong "Marimar" star na si Tom Rodriguez. Naroon din sina Sarah Geronimo, Derek Ramsay, Sarah Lahbati, Ruffa Gutierrez, Tim Yap, at Dr. Vicki Belo.
Ayon kay Nigel sa isang panayam sa 24 Oras, masaya siyang nakatrabaho ang ilan sa pinakamalalaking bituin sa Philippine showbiz, pati na si Carla na sinabihan niya pang taglay raw ang natatanging 'Filipino charm.'
Masaya rin si Dingdong sa naging pakikipagtrabaho sa sikat na photographer lalo na at naging magaan raw ang shoot dahil sa pagiging mabait at propesyonal nito.
"So alam niya na siguro kung saan niya kami ilalagay so naging madali, naging mabilis 'yung pagtatrabaho sa kanya. Napakagaan katrabaho, 'di ko alam kung ano 'yung ie-expect pero napakabait [ni Nigel]," kwento ng Kapuso actor.
— Bianca Rose Dabu/BM, GMA News