ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Juday at Ryan, sabik na sa pagdating ng kanilang pangatlong baby


Kamakailan lamang nang pormal na ipaalam ng mag-asawang Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos-Agoncillo ang ikalawang pagbubuntis ng aktres sa kanilang ikatlong anak matapos nilang ampunin ang kanilang 11 years old na panganay na si Yohan at matapos ipanganak ang kanilang second baby na si Lucho noong 2010.
 
Ayon kay Ryan sa isang panayam kay Lhar Santiago sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, matagal na umano nila itong ipinagdarasal ng asawa lalo na at lumalaki na ang kanilang bunsong si Lucho, na five years old na sa darating na Disyembre.
 
Sa ngayon ay nine weeks nang nagdadalang-tao si Juday, at nagpapasalamat ang celebrity couple sa pagbuhos na suporta mula sa mga kaibigan at sa kanilang fans matapos nilang ipaalam sa publiko ang magandang balita.
 
“Siyempre nagpapasalamat kami na noong nag-announce rin kami, we got a lot of love. Nakakataba ng puso at nakakatapang ng loob. A baby is always a blessing, but there's also realities and challenges you have to face. For us, we welcome it. Round 3! Bring it on!” ayon kay Ryan.
 

Kwento pa ng miyembro ng 'Eat Bulaga' Dabarkads, hindi gaya noong ipinagbubuntis ni Juday si Lucho, nakakaramdam ngayon ang kanyang misis ng kaunting morning sickness.
 
Aniya, “Medyo meron siyang kaunting morning sickness ngayon. Kay Lucho kasi, wala. They say not all pregnancies are the same, so eto, medyo may kaunti talaga. Pero hindi naman siya iritable, hindi siya nagde-demand pa ng chibog na imposible. Although I think we'll get there soon.”
 
Sa kabuuan, matiwasay ang nagiging pagdadalang-tao ng aktres, at nakatulong raw talaga dito ang pagsunod niya sa healthy lifestyle sa pamamagitan ng madalas na pagkain ng nutritious foods at regular exercise kahit na noong bago pa siya magbuntis.
 
Samantala, excited man raw ang mag-asawa ay hindi pa rin mapantayan ang excitement ng kanilang dalawang anak na magiging ate at kuya na sa pagdating ng kanilang bagong kapatid.
 
Kwento ni Ryan, “Si Yohan medyo nahihinala na the past few weeks. We confirmed it. Si Lucho very excited. Every morning, nagki-kiss isya sa tummy ng mommy niya bago pumasok sa school.”
 
Mapapanood ngayon ang TV host at aktor sa longest-running noontime show na 'Eat Bulaga' at sa family-oriented weekly comedy sitcom na 'Ismol Family.' — Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News