Barbie Forteza, iginiit na magkaibigan lamang sila ng ka-loveteam na si Andre Paras
Sunod-sunod ang blessing para sa Kapuso young actress at “The Half Sisters” star na si Barbie Forteza dahil bukod sa pagdiriwang ng unang anibersaryo ng GMA Afternoon Prime show na pinagbibidahan niya at iba pang matagumpay niyang projects bilang isang artista, nakapagtapos na rin ng high school ang aktres nitong buwan sa ilalim ng Alternative Learning System.
Marami tuloy ang nagtatanong kung blessed at masaya rin ba ang blooming actress sa pagdating sa usapang pag-ibig, lalo na ngayong napapabalitang nililigawan raw siya ng kaibigan at ka-loveteam na si Andre Paras.
Sa ulat ni Cata Tibayan sa “24 Oras,” itinanggi ni Barbie ang mga usap-usapan ng panliligaw umano sa kanya ng co-star.
Aniya, “Hindi totoo ‘yun. Hindi ko alam kung saan nanggaling ‘yun," paggiit nito na magkaibigan lamang sila. Pero masaya ako na siya ‘yung naka-love team ko kasi wala rin akong reklamo sa kanya. Napaka-gentleman niya.”
Samantala, hindi naman maikubli ni Barbie ang kasiyahan sa pagtatapos ng high school sa San Francisco High School, Quezon City ngayong buwan kasabay ng kasamahan niya sa “The Half Sisters” na si Vaness del Moral.
Aniya, mahirap man daw pagsabayin ang pagiging artista at pag-aaral, ginawa niya ito dahil gusto niyang maipagpatuloy ang pag-arte habang hindi naman pinababayaan ang kanyang pag-aaral at pinagsusumikapan rin ang pagtatapos.
“Alam ng lahat ng artistang nag-aaral ‘yan, na sobrang hirap pagsabayin kahit home school ka or regular school. Parehong mahirap, pero kasi gusto naman natin ‘yung ginagawa natin, wala naman tayong gustong i-give up, i-pu-push natin,” aniya.
Nakatakdang magtungo ngayon ang cast ng hit afternoon primetime show na pinagbibidahan ni Barbie, Andre, at Thea Tolentino sa Japan upang lalo pang mapaganda ang kanilang palabas, na isang taon nang umeere ngayong 2015. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News