AiAi Delas Alas, tutuparin na ang pangarap na makapagpatayo ng simbahan ngayong taon
Bukod sa pagiging isang magaling na artista at komedyante, kilala rin ang Box Office Comedy Queen, Kapuso actress, at “Let The Love Begin” star na si AiAi Delas Alas bilang isang mabuting Katoliko at masugid na mamamanata ng Birheng Maria.
Nitong nakaraang linggo, inihayag ng aktres sa publiko ang kanyang pangarap na makapagpatayo ng malaking simbahan bago umano siya pumanaw mula sa mundong ito, at nagsimula na nga siyang kumilos upang tuparin ang pangarap na ito noong Huwebes nang makipagpulong siya sa ilang pari upang makuha ang kanilang suporta para sa proyektong ito.
Ayon kay AiAi sa isang Instagram post, sisimulan niya ang mga hakbangin sa pagtulong na maipatayo ang simbahang Kristong Hari sa Commonwealth Avenue sa Quezon City sa pamamagitan ng pagkalap ng kinakailangang pondo para dito.
Bilang bahagi ng taunan niyang panata na ipagdiwang ang kaarawan ni Mama Mary, magdaraos ngayon ng isang fundraising concert si AiAi upang maipaayos at mapalaki ang naturang simbahan.
“Meeting with 6 priests in the city (Father Lando Jaluag, Fr. Rey Pascual, Fr. Steve Zabala, Fr. Joel Jason and my 2 best priests, Fr. Erick Santos and Father Allan Samonte). We have a forthcoming show para po sa pagpapagawa ng KRISTONG HARI, sa National Government Center, Commonwealth Avenue, Quezon City,” panimula niya sa kanyang Instagram post.
Dagdag pa ni AiAi, makakasama niya sa naturang concert ang ilang local artists at music groups, gaya ng Kerygma 5, The Madrigal Singers, at ilan pang mga kaibigan niya sa showbiz.
Aniya, “Dream ko magpagawa ng napakalaking simbahan bago man lang ako mag expire sa mundo at kapag humarap ako sa Lumikha, si Father God, may masasabi ako sa kanya na nagawa ko. Please help me build this Church. Pag lumabas na po ang ticket, sana po ay tulungan ninyo ako and bumili kayo ng kahit magkano lang na galing sa inyong puso.”
Naitakda umano ang pagdaraos ng naturang fundraising and benefit concert sa darating na Oktubre. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News