WATCH: Aegis to make a comeback with more birit notes and hugot lyrics
Sumikat ang bandang Aegis sa mga kantang "Luha," "Halik," at "Basang-basa sa Ulan," na naging paborito ng mga Pinoy dahil sa mga linyang may hugot at may tama sa puso, kahit na mahirap abutin ang notang ibinibirit ng mga mang-aawit.
Ngayong taon, muling magiging aktibo ang banda—na binubuo nina Juliet Sunot, Mercy Sunot, Ken Sunot, Stella Pabico, Vilma Goloviogo, Weng Adriano, at Rey Abenoja—sa music scene kasabay ng sikat na single na "Sayang Na Sayang" at ang nalalapit na paglabas ng kanilang bagong album.
Bukod pa riyan, marami pa raw sorpresa ang rock band sa kanilang fans sa gaganaping first major concert nila sa bansa sa darating na Huwebes, July 23, sa Muzik Museum.
Sa isang episode ng “Tonight with Arnold Clavio,” ibinahagi ng tatlong magkakapatid na singers ng Aegis kung papaanong sa murang edad na 8 years old ay sinanay na sila ng kanilang ina na umawit.
Kabilang na umano riyan ang paglublob sa kanila sa drum ng tubig hanggang leeg habang kumakanta sa umaga, pati na ang bahagyang pagkurot sa kanila upang mas lumakas at tumaas ang kanialng pagsigaw.
Patunay nga sa walang humpay na kasikatan ng Aegis ang isa ngayon sa pinakasikat na musical sa bansa kung saan tampok ang kanilang mga awitin: ang "Rak of Aegis", na nasa ikatlong pagbabalik na simula noong unang ipalabas ito sa stage noong 2013 sa ilalim ng Philippine Educational Theater Association (PETA).
Nang tanungin kung ano ang sikreto sa likod ng pagtangkilik sa kanila ng mga Pilipino, ayon kay Mercy, “Lahat ng Pinoy brokenhearted, nakaka-relate. Pati sa melody rin, yung birit. Tapos magtatawanan na lang sa huli kasi mahirap abutin.” — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News