I'll be Jiro Manio’s mom for the meantime, AiAi delas Alas declares
Isa ang Comedy Queen na si AiAi Delas Alas sa mga hayagang nagpakita ng pagnanais makatulong sa former child star na si Jiro Manio matapos lumabas ang balitang palaboy-laboy na lamang ito sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport nitong nakaraang linggo.
Malapit ang loob ng “Let The Love Begin” star sa dating aktor dahil nagkasama sila sa comedy film franchise na “Tanging Ina,” kung saan gumanap si Jiro bilang isa sa labindalawang anak ng karakter ni ginampanan naman ni AiAi—si Ina Montecillo, biyuda sa tatlong asawa at mag-isang nagpapalaki ng isang dosenang anak.
Sa episode ng news magazine TV show na “Kapuso Mo Jessica Soho” nitong Linggo, sinamahan ng crew ng naturang programa si AiAi upang makaharap sa kauna-unahang pagkakataon ang kanyang itinuring na anak sa mga pelikula.
Bago pa man ang kanilang pagkikita, makikita na ang labis na pag-aalala at pagnanais na umunawa sa Kapuso actress.
Aniya, “Gusto ko muna siyang makita, kung ano ang reaction niya towards me. Baka kasi hindi niya na rin ako kilala. Hindi natin alam.”
“I think kulang siya sa love, kasi maaga rin nawala ang mother niya. Maiintindihan mo naman kung saan ang pinanggagalingan niya, kung bakit naging ganun ang pananaw niya sa buhay,” dagdag pa ni AiAi.
Matatandaang pumanaw ang ina ni Jiro na si Joylene Santos noong August 2007, habang 15 taong gulang pa lamang ang dating child star, dahil sa sakit na kidney cancer.
Miyerkules, July 1, nang magkaroon ng pagkakataong mag-usap nang pribado sina AiAi at ang 23-year-old former actor, sunod na rin sa kahilingan ng aktres.
Hindi naman napigilang mapaluha ng batikang komedyante matapos ang kanilang pagkikita, ngunit siniguro niya sa lahat na nasa maayos na kalagayan si Jiro at patuloy pang bubuti ang lagay nito sa tulong niya at ng mga nagmamalasakit sa kanyang anak-anakan.
Paliwanag ni AiAi, “Okay siya. Iyon lang ang pwede kong sabihin. Pinagkatiwalaan niya ako, hindi ko pwedeng sabihin ang mga pinagusapan namin. Okay siya, huwag kayong mag-alala. Naiiyak lang ako kasi, sinabi ko sa kanya na anak ko siya, na hindi ko siya pwedeng pabayaan.”
Pagkaraan ng isang araw ay muling bumisita ang aktres sa bahay nila Jiro, at doon niya ito mas matagal na nakausap at nakapalagayan ng loob. Dinalhan niya rin ito ng mga damit, pagkain, at iba pang pangangailangan.
Bukod pa riyan, nangako rin ang Comedy Queen na handa siyang tumayong ina ng award-winning actor kasabay ng pagpapagaling nito.
“From this day on, ako na muna ang tatayong mommy niya. Lahat ng support, all the best for him. Doctor, psychiatrist, wellness. Lahat 'yun for him to get better at makabalik sa dati,” aniya.
Dagdag pa ng Kapuso actress, “Masaya na ako kasi alam kong unti-unti ay napapagbago ko siya. I think iyon lang ang unang kailangan niya, na maramdaman na may totoong nagmamahal sa kanya. All -out support, 'yung tutulungan siya na walang kapalit.”
Nagpapasalamat rin umano siya sa Panginoon na nabigyan muli siya ng pagkakataon na makabalik sa showbiz at maipagpatuloy ang kanyang pagiging artista, dahil sa tingin niya ay marami pa siyang maaaring matulungan na katulad ng kanyang anak-anakan na si Jiro.
Samantala, nagpasalamat naman ang pamilya ni Jiro sa mga katulad ni AiAi na nagnais tumulong sa dating child star.
Ayon kay Andrew Manio, ang tiyuhin ng ina ng dating aktor na tumayo nang ama sa kanya, “"Sa lahat sa NAIA na tumulong kay Jiro, yung mga security doon, yung mga nagbigay ng food kay Jiro, maraming salamat po sa inyo. Ma'am Ai Ai, talagang the best ka, maraming salamat po sa inyo."
"Mahal na mahal ko po si Jiro, higit pa po sa buhay ko,” dagdag pa niya.
Sa isang mensahe na ipinadala ng mga nangangalaga kay Jiro nitong Sabado, sinabi nila na bumubuti na ang lagay nito at malapit na siyang makabalik sa dati. “Jiro is in better shape now. He's almost back to the Jiro we have known. Let's continue to pray and support him so he can surpass his current challenges and rise above them.”
Paliwanag ni Dr. Cely Magpantay, isang clinical psychiatrist, “He needs somebody na masasandalan, pwedeng umalalay. I think if he sees people really pushing him up, on his own, tatayo siya, Encourage lang natin siya to move forward. He's still young. Marami pang pwedeng mangyari at possibilities na pwedeng ma-accomplish.” -NB, GMA News