LOOK: Michael V. brings out artsy side for wife Carol’s birthday surprise
Bukod sa pagiging isa sa pinakakilalang komedyante sa loob ng mahabang panahon, pinapakita na rin ng Kapuso actor and comedian na si Michael V. sa publiko ang kanyang talento sa art sa pamamagitan ng mga Instagram post.
Nitong Sabado, ginamit niya ang natatagong talento na ito upang maghanda ng espesyal na sorpresa para sa ika-46 na kaarawan ng kanyang asawa na si Carol Bunagan.
Ipinasilip ni Carol sa kanyang Instagram account ang apat na creative at makukulay na greeting cards na gawa ng asawa niya para sa kanyang kaarawan.
Kasabay nito ang pagbabahagi niya ng pasasalamat sa asawa at mga anak para sa sunod-sunod na sorpresa at regalong natanggap niya noong araw na iyon.
Aniya, “One surprise after another and my birthday has just started. I must say @michaelbitoy, you outdid yourself yet again.”
“That was a wonderful surprise you managed to pull off with a "little" help from the $aver$ Club! @briannabunagan that literally made me tear up. Love the pop-up flowers, more so your messages,” dagdag pa ng asawa ng “Bubble Gang” mainstay.
Wala na rin umano iyang mahihiling pa dahil nasa kanya na ang mapagmahal na pamilya, totoong mga kaibigan, at magandang buhay.
Isang short but sweet birthday greeting naman ang nai-post ni Bitoy sa social media para sa kanyang asawa.
Hindi lamang nga sa pagpapatawa bumibida ang Kapuso actor and comedian, ngunit pati na rin sa art projects, sketches, at drawings na kanyang ginagawa bilang hobby at makikita rin sa Instagram account niyang @michaelbitoy.
Kabilang rito ang portrait ng Jamaican musician na si Bob Marley, na iginuhit niya sa loob lamang ng 15 minuto, at ang pencil sketch ni Pope Francis na kanyang ginawa kasabay ng pagbisita ng Santo Papa sa bansa noong Enero. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News