Alden Richards on fame and success: ‘Hindi natutulog ang Diyos’
Isa ngayon ang Kapuso host and actor na si Alden Richards sa mga maituturing na hottest leading man kasabay ng biglaang pagsikat ng loveteam nila ng tinaguriang Dubsmash Queen ng Pilipinas na si Maine Mendoza o Yaya Dub sa kauna-unahang ‘Kalyeserye’ sa telebisyon sa noontime show na Eat Bulaga.
Ngunit bago pa man siya mabansagan bilang ‘Pambansang Bae’ at ‘Pambansang Dimples,’ nagsimula sa payak na pamumuhay sa Laguna si Alden, o Richard Faulkerson, Jr. sa tunay na buhay, ang pangalawa sa tatlong anak nina Richard Faulkerson, Sr. at Rosario Reyes.
“Simpleng-simple lang po ang buhay namin noon. Regular family lang, average family. My dad has work and my mom is a housewife. Before ako mag-artista, 'yung mga nakukuha ko ngayon, hindi ko talaga nakukuha before,” kwento ni Alden sa “Tunay na Buhay” nitong nakaraang linggo.
Naunang pinangarap ni Alden na maging isang piloto upang matupad ang pangarap ng kaniyang ama, ngunit nang naglaon ay tinahak niya na rin ang landas ng pag-aartista upang mabigyang katuparan naman ang pangarap ng kaniyang ina para sa kaniya.
Sumali siya sa reality talent search na “Starstruck” noong 2009, ngunit nabigo siyang magwagi at nakasali lamang sa Top 60.
“Depressed na depressed ako kasi parang ang daming nasayang na panahon at pera,” kwento ni Alden.
Gayunpaman, hindi siya sumuko at muling nag-audition sa iba’t ibang programa, hanggang sa mapabilang siya sa cast ng telefanstasyang “Alakdana” kung saan nakapareha niya ang aktres na si Louise Delos Reyes na nagsisimula pa lamang rin sa industriya,
Nagsunod-sunod na ang projects ni Alden, at nakabuo na rin siya ng matibay na pagkakaibigan mula sa kaniyang mga nakatrabaho dahil sa kaniyang pagiging mapagkumbaba.
Kwento ni Kristoffer Martin, na nakasama ni Alden sa pelikulang “Tween Academy: Class of 2012” ng GMA Films, “Maaasahan siya. Siya 'yung tipong kapag may problema ka, masasabihan mo. Kung may sasabihin kang sikreto sa kaniya, 100% sure ka na hindi lalabas, at papayuhan ka niya. Payong kuya talaga.”
“Hindi niya alam na guwapo siya. Parang hindi siya artista. Every time na kasama mo siya, akala mo ordinaryong tao lang. Walang kalaki-laki ang ulo,” ayon naman kay Jean Garcia.
Ayon pa kay Jolina Magdangal, “Si Alden, siya 'yung tipong kahit nagmamadali ka na tapos nagkasalubong kayo, hahabulin ka pa niya para makabati, makayakap, o maka-hello lang. Natutuwa ako sa ganun kasi sobrang humble, and to think na promising siya talaga.”
Bukod sa pagiging mabuting kaibigan sa industriya, mapapansin rin na isa sa bentahe ng Kapuso actor ang kaniyang wholesome package, ngunit hindi ito naging hadlang upang gumanap siya sa iba’t iba pang challenging roles.
Kabilang sa mga kinabilangang projects ni Alden ang 2011 horror film na “The Road,” pati na ang mga TV series na “My Beloved,” “One True Love,” Indio,” “Mundo Mo’y Akin,” at ang “Carmela” kung saan nakapareha niya ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Pinili raw mismo ng Kapuso actress si Alden upang makapareha niya sa naturang palabras.
Ayon kay Alden, “Akala ko joke, akala ko binibiro lang ako ng mga nagsasabi. Sino ba naman ako para ma-partner sa isang Marian Rivera? Kabago-bago ko lang, kulang sa experience.”
“Palagi niyang sinasabi na 'Nahihiya ako. Hindi ako makapaniwala na ikaw ang partner ko. Ito ang big break para sa akin.' Ang sabi ko naman, 'Hindi mo kailangang mag-thank you kasi may dahilan ang Diyos kung bakit niya binigay 'yan sa'yo,’” kwento naman ni Marian.
Bukod sa pagiging isang magaling na aktor, pinasok na rin ni Alden ang pagiging isang mang-aawit at nakapaglabas na ng kaniyang firs solo album noong 2013. Ngayong taon, pumirma rin siya ng kontrata sa GMA Records at nagsimula nang mag-record ng mga bagong awitin.
Sa kabila ng lahat ng tinatamasang tagumpay, labis na ikinalulungkot ni Alden na hindi na ito naabutan ng kaniyang ina, na siyang unang nangarap para sa kaniya,
Pumanaw ang ina ng aktor dahil sa chronic pneumonia na hindi na naagapan, ngunit hindi nagpapatinag si Alden at ginagawang inspirasyon ang kaniyang namapayapang ina upang lalo pang pagbutihin ang kaniyang pagiging artista.
“Lahat ng ginagawa ko, binibigay ko sa nanay ko. Ino-offer ko sa kaniya and sa family ko. Parang sayang kasi ito po ang ikasasaya niya,” naluluhang pahayag ni Alden.
Kasabay ng pagsikat niya ang pananatili niyang mapagkumbaba tulad ng simpleng Alden na lumaki sa Laguna kasama ang buo niyang pamilya.
Aniya, “Ayoko pong ipasok sa ulo ka na sumisikat ako, na may narating na ako, kasi kulang pa.”
“Kung ano 'yung gusto mong makuha, pagsumikapan mo. Hindi bulag ang Diyos. Magugulat ka na lang nasa harap mo na siya at nasa kamay niya na 'yung pinapangarap mo,” pagtatapos ni Alden. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News