ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Wally Bayola, sinabing naiinis din ang kaniyang anak kay Lola Nidora


  
(Photo By: MarianneLyzaBayola (FB)
 
Sinabi ni Lyza Bayola, isa sa mga anak Eat Bulaga dabarkads Wally Bayola, na parehong magalit ang kaniyang ama sa kanilang magkakapatid, at sa pagsermon nito bilang Lola Nidora kay Yaya Dub sa "kalye-serye."


“Si Papa kasi kapag nagagalit siya, seryoso siya. Pero ganun din [parang sa Eat Bulaga], lumalaki yung mata. Nakikita ko ganun yung ginagawa niya kay Yaya Dub,” kuwento ni Lyza sa Kapuso Mo, Jessica Soho.
 
Naiinis naman daw ang bunsong anak ni Wally sa karakter niyang si Lola Nidora.
 
“Kahit bunso ko, nagagalit sa ‘kin. [Sasabihin nun sa akin] ‘Papa, you’re bad. Kasi you’re always mad at Yaya and Alden,’” aniya.

Kaagad naman daw niyang ipapaliwanag sa anak na acting at role lang iyon na kaniyang ginagampanan. 

Natatawa ring inamin ni Wally na challenging na ibalanse ang pagdidisiplina niya sa mga anak at pagiging isang komedyante sa telebisyon.
 
“Mahirap kasi minsan, ‘di sila sanay sa ‘kin na nagagalit. ‘Pag seryoso na rin ako, minsan effective, minsan hindi ako sineseryoso… Kaya minsan, hihingi na lang ako ng tulong sa asawa ko.[Sasabihin ko sa kanya], ‘Ikaw na, ayaw akong seryosohin nito,’” sabi niya. -- Mary Louise Ligunas, GMANetwork.com