ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Starstruck 6 introduces 'The Door' among many exciting changes


Malapit nang ipalabas muli sa telebisyon ang reality-based artista search na “Starstruck,” at kasabay ng ikaanim na season nito ang maraming pagbabagong haharapin ng artista hopefuls.

Bukod sa bagong set ng judges na binubuo nina Regine Velasquez, Joey de Leon, at Jennylyn Mercado, kaabang-abang rin ang hosts na sina 2013 Miss World and “Marimar” star Megan Young at Dingdong Dantes, na magiging bahagi rin ng Starstruck Council, pati na ang kanilang magiging co-hosts na sina Mark Herras, Rocco Nacino, Miguel Tanfelix, at ang Social Media Correspondent na si Kris Bernal.



Matapos ang walong taon mula nang sumali siya sa Starstruck, nasasabik na raw si Kris para sa panibagong set ng artista hopefuls at sa mga pagsubok na pagdaraanan nila para sa katuparan ng kanilang pangarap na maging artista.

Kabilang umano sa mga bagong haharapin ng mga kalahok ang tinaguriang "The Door".

Kwento ng Kapuso actress, “Nakaka-tense talaga 'yung The Door kasi 'pag pasok nila, doon nila malalaman 'yung final decision sa kanila. So, paglabas nila sa The Door, doon mo rin makikita kung nakuha ba sila, naka-survive sila.”

Malaki rin ang magiging bahagi ni Kris sa pagbabagong ito dahil madalas siya ang sasalubong sa mga contestant na lalabas mula sa naturang 'The Door.'

“Actually, 'pag labas nila ng The Door, I usually get the initial reaction from them. Ako agad ang sasalubong. So kapag umiiyak, nasasaktan ako for them. Kapag may tuwang-tuwa, natutuwa ka rin,” aniya.

Hindi rin maitago ng Starstruck Season 1 Ultimate Male Survivor na si Mark Herras ang pananabik niya para sa bagong season ng programa.

Ayon sa tinaguriang 'Bad Boy ng Dance Floor,' “Excited ako kasi, this time, 'yung naramdaman ko 12 years ago ay mararamdaman nila, mae-experience nila, and at the same time, lahat din 'yun ay mare-recall sa akin."

"Kaya naman thankful ako na naging part ako intong Starstruck. Pero may relief din, kasi kapag nag-heartbeat sound, sila na ang kakabahan, hindi na ako,” dagdag pa niya.

Magsisimula nang ipalabas sa Kapuso Network ang Starstruck Season 6 sa darating na Lunes, September 7, bago mag-24 Oras. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News