Yaya Dub, may sorpresa raw kay Alden sa kanilang susunod na date
Marami ang nabitin kahapon nang hindi masabi ni Alden ang nais niyang ipagtapat kay Lola Nidora.
Bago tuluyang masabi ng Pambansang Bae ang kaniyang confession, dumating ang ex-boyfriend ni Lola Tinidora na si Bill, isa umanong ambassador mula sa States, upang humingi ng tawad sa lahat ng nagawa niyang kasalanan noong magkasintahan pa sila.
Tila labis na nasaktan si Tinidora sa panlolokong ginawa ni Bill kaya hindi niya matanggap ang pagso-sorry nito, at tumanggi rin siyang sumama rito upang makapagpakasal sila.
Dahil dito, nagbigay ng payo si Lola Nidora kay Alden at Yaya: “Ang pag-ibig ay hindi laro. Kapag naglaro kayo, kayong dalawa ang matatalo. Ang pag-ibig ay sineseryo. Kung hindi seryoso, mag-tumbang preso. 'Wag lalaruin ang damdamin. Kung ano ang nararamdaman, ipaglaban.”
Matapos ang ilan pang pabitin, tuluyan nang nasabi ni Alden ang kaniyang confession kay Lola Nidora:
“Pero Lola, sinunod ko naman po lahat ng bilin niyo.”
“Lola, hindi ko po sinasadya. Promise po! Hindi po talaga. Ayaw ko po na magalit kayo sa akin.”
“Lola, nahawakan ko po...”
“Kasi po... nabulunan po si Maine. Tapos po inabutan ko po ng tubig. Ininom po niya.”
“Tapos po... Lola...”
“Nahawakan ko po 'yung... kamay niya.”
“Patawad po, Lola. Sorry po.”
Hindi makapaniwala si Lola Nidora sa nagawa nang dalawa, at kinailangan niya pang uminom ng gamot upang kumalma.
Hindi rin napigilan ni Yaya Dub na magsalitang muli upang humingi ng tawad sa kaniyang Lola.
Nang kumalma na si Lola Nidora, sinabi niyang ikinatuwa niya ang pagiging matapat ng dalawa, ngunit dahil hindi pa rin sila tumupad sa usapan, hindi niya na maibibigay ang premyo sana para kay Alden at Yaya Dub-- ang kanilang susunod na date kung saan puwede na silang manood ng sine at kumain sa labas nang silang dalawa lang.
Pinaalalahanan niya ang dalawa tungkol sa kahalagahan ng katapatan at dangal dahil kailanman raw ay wala itong anomang kapalit.
Dahil sa kasiyahang dulot ng pag-intindi ni Lola, napakanta si Yaya ng “Someday We'll Know” sabay yakap sa matanda at sinabing “I love you, Lola.” Humarap din siya kay Alden at sinabing, “Walang iwanan.”
Matapos nito, ipinaalala ni Alden kay Yaya Dub na "weeksary" nila bukas. Nang malaman ito ni Lola Nidora, tuluyan niya nang pinatawad ang dalawa at pumayag na sa susunod na date nila.
Sa sobrang excitement, nagsalita muli si Yaya at sinabi kay Alden, “May surprise ako sa'yo.” — LBG, GMA News