ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Janine Gutierrez on giving love advice: Mahirap kapag ikaw na ang dapat makinig sa sarili mo
Nakatakdang bumida ang Kapuso actress na si Janine Gutierrez bilang si 'Dangwa Girl' sa pinakabagong love series sa GMA Network na mapapanood simula ngayong Oktubre.
Nitong Miyerkules, nakapanayam ni Lhar Santiago si Janine sa Unang Hirit sa loob mismo ng flower shop na tinawag na 'Keri Bloom Bloom' na magiging malaking bahagi rin sa mga istorya ng pag-ibig na itatampok sa 'Dangwa Girl.'
Dahil magiging bahagi siya ng iba't ibang love story sa pagbibidahang programa, nagbigay rin ng real-life love advice ang aktres sa mga nag-iibigan ngayon.
Ayon kay Janine, pinakaimportante raw ang pagbibigay ng oras sa isa't isa.
“Siguro ang maa-advice ko, kailangan mag-extra effort sila para maiparamdam sa girlfriend nila o boyfriend nila na kahit busy sila, siyempre, palagi pa rin nilang iniisip 'yung minamahal nila," paliwanag niya.
Gayunpaman, aminado ang Kapuso actress na mas madaling magbigay ng love advice kaysa makinig rito.
Patunay na raw rito ang pagkakataon sa kaniyang buhay kung kailan nakaranas rin siya ng heartbreak.
Aniya, "Sa tingin ko po, madaling magbigay ng payo, mahirap kapag ikaw na 'yung makikinig sa sarili mo. 'Di ba kasi siyempre 'pag ikaw na, mas matigas ulo mo 'eh, pero 'pag nagbibigay ng payo parang mas madali.
“Siyempre, lahat naman tayo may mga kani-kaniyang heartbreak. Lalo na bilang artista, madami kang ginagampanan na iba-ibang roles so iba-iba din 'yung heartbreak na kailangan mong iparamdam sa sarili mo para sa mga kuwento, 'di ba?" dagdag pa ni Janine.
Mapapanood ang 'Dangwa Girl' simula October 26 sa GMA Network, 11 a.m. Dagdag pa rito, ayon kay Janine, dapat raw abangan ang mga paborito ninyong Kapuso stars na mapapadaan sa kaniyang tindahan. — Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News
Tags: janinegutierrez
More Videos
Most Popular