ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
SINO SI JAKE?

Alden, hindi naiwasang magselos sa schoolmate ni Yaya Dub


Naging masaya ang simula ng Kalyeserye ngayong Lunes kasabay ng pagbubukas ng bagong negosyo ng mga Lola—isang talent management agency
 
Anila, tatawagin daw nila itong PKA o "Pasisikatin Kita Agency: Hindi Sigurado Pero Subukan Mo, Walang Mawawala Sa'yo."
 
Kasabay nito, kani-kaniyang pagpapakita ng mga talent ang mga Lola at si Yaya Dub, na muling inawit ang "The Closer I Get To You" na inialay niya kay Alden para sa birthday nito noong Sabado.
 
Nagkaroon din ng talent showcase sa barangay kasama ang mga Rogelio na tinawag nilang "sFRANKIEfy," hango sa "Spogify" segment ng "Eat Bulaga!"
 
 
Nagbago ang ihip ng hangin nang may tumawag kay Lola Nidora na lalaking nagngangalang Jake.
 
Ayon kay Yaya Dub, kaklase niya raw ito, at may kailangan silang gawing report na ipapasa ngayong darating na Miyerkules.
 
Habang kausap ng dalaga ang kaniyang kaklase, kitang-kita sa mukha ni Alden ang pagseselos, lalo na nang inasar ng mga Lola si Yaya Dub na kinikilig.
 
Patuloy naman sa pagpapaliwanag ang dalaga na kaklase niya lamang ito at may requirement lamang silang kailangang gawin, ngunit tuluyan na ngang nag-walk out si Alden.
 
Abangan ang mga susunod na tagpo sa Kalyeserye ngayong tila may "lover's quarrel" ang AlDub.
 

 

 

 

 

—Bianca Rose Dabu/AT, GMA News