Richard Gomez proclaimed as Ormoc City mayor
Idineklara nang pinakabagong alkalde sa lungsod ng Ormoc sa Leyte ang batikang aktor na si Richard Gomez, na nakakuha ng tinatayang higit sa 50% ng boto para talunin ang mga kalabang sina Ondo Codilla at Mar Gallardo.
Nakuha ng 50-taong-gulang na aktor mula sa partidong National People's Coalition (NPC) ang 53,234 boto, habang nakuha naman ng kasalukuyang alkaldeng si Codilla ang 44,453 na boto at 608 na boto naman ang napunta sa independent candidate na si Gallardo.
Dinaluhan ng kaniyang pamilya at mga tagasuporta ang naganap na proklamasyon nitong Martes ng umaga, isang araw matapos ang eleksyon.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagwagi si Gomez sa eleksyon.
Matatandaang tumakbo siya sa pagka-senador noong 2007 ngunit hindi nanalo, at napawalang-bisa rin ang kaniyang pagtakbo sa posisyon sa House of Representatives noong 2010 dahil sa isyu ng paninirahan o residency.
Noong 2013 naman, tumakbo ang aktor para sa pagka-alkalde sa Ormoc, ngunit natalo siya ni Codilla.
Kasabay ng pagkapanalo ni Gomez, nangunguna rin sa bilangan ngayon ang kaniyang asawang si Lucy Torres-Gomez, na tumatakbo para sa posisyong representative ng 4th District of Leyte sa Kamara.
Kasalukuyang mayroong 60,141 na boto para sa kandidato ng Liberal Party, o halos 61% ng kabuuang boto mula sa nasabing distrito ng lalawigan. —KBK, GMA News