LJ Reyes shares heartfelt message after Gawad Urian win
Nagwagi bilang Best Actress sa naganap na 39th Gawad Urian Awards ang Kapuso actress na si LJ Reyes nitong nakaraang linggo para sa kaniyang natatanging pagganap sa pelikulang “Anino Sa Likod Ng Buwan.”
Ilan sa mga aktres na nominado rin sa naturang kategorya sina Nora Aunor para sa “Taklub,” Anika Dolonius para sa “Apocalypse,” Angeli Bayani para sa “Iisa,” Alessandra de Rossi para sa “Bambanti,” Ces Quesada para sa “Imbisibol,” Jennylyn Mercado para sa “Walang Forever,” at Mercedes Cabral para sa “Da Dog Show.”
Ayon kay LJ, labis ang kaniyang tuwa nang tanghalin bilang Best Actress kaya naman halos hindi na siya nakapaghanda ng talumpati upang pasalamatan ang lahat ng mga nagmahal at sumuporta sa kaniya.
“Mahirap rin po pala magpasalamat on stage dahil sa shock! Haha! Wala po akong maalala sa mga sinabi ko! Kaya dito na lang po... Thank you Gawad Urian for this honorable recognition! Hindi ko po ito makakalimutan!” aniya sa isang Instagram post
Sa pamamagitan ng social media, inihayag ng aktres ang kaniyang saloobin matapos ang kaniyang pagkapanalo sa prestihiyosong awards night.
Kabilang sa kaniyang mga pinasalamatan ang kaniyang anak na si Aki, ang kaniyang ina at ang kasintahan na si Paolo Contis.
Ayon kay LJ, “Thank you to my son, Aki, who is always my source of inspiration, motivation, joy, strength, love and so much more!!! I wanted to say his name last night but I might choke in tears! Naalala ko kasi that he wanted to come with me. Kaso may pasok na siya and I couldn't let him sleep late.”
“Thank you to my Mama na kahit nandoon sa New York walang tigil mag-message sakin to get updates! Haha! My mother is the most hardworking person I have ever known! And she has supported me in every single endeavor in my life! To my family, thank you for the unfailing love and support you all have for me! Kayo ang lakas ko! Hinding-hindi ko kayo ipagpapalit sa kahit ano sa mundong ito!” dagdag pa niya.
Sabi pa ng aktres sa kaniyang post, “Thank you sa mga taong nagmamahal sakin. @paolo_contis, salamat sa suporta at pagaalaga! I sincerely appreciate everything you do! Sa mga kaibigan ko na nagtext at nagpaabot ng pagbati, maraming salamat!”
Ipinaabot rin ni LJ ang kaniyang pasasalamat sa cast at crew ng pelikulang pinagbidahan niya, pati na sa GMA Artist Center at sa lahat ng mga naging bahagi ng kaniyang buhay-artista, kabilang na ang kaniyang mga tagahanga. — RSJ, GMA News