Bea Binene thanks Hanggang Makita Kang Muli fans who supported her in ‘most difficult role’
Nagtapos na nitong Biyernes ang Kapuso Afternoon Prime series na “Hanggang Makita Kang Muli,” kung saan bumida ang aktres na si Bea Binene bilang isang feral child, o isang batang naging asal hayop dahil sa paglaki sa piling ng aso.
Aminado si Bea na ito na ang pinakamahirap na role na kaniyang binigyang-buhay, kaya labis ang pasasalamat niya sa cast at crew ng programa na tumulong upang maging matagumpay ang kaniyang pagganap.
Gayang-gaya ng Kapuso actress ang asal ng isang aso, mula sa pagtahol, paghingal, at maging sa pagtakbo.
Dahil dito, marami ang humanga sa galing ng aktres sa pag-arte.
“Ito ang pinakamahirap na role na ginampanan ko. Hindi ko alam na kaya ko pala. Salamat po. To GMA Network, thank you for giving me this kind of challenge,” ayon kay Bea sa isang Instagra, post nitong nakaraang linggo.
Dagdag pa niya, “Salamat sa lahat ng mga naka-trabaho ko. To Direk Laurice and Direk Rommel, sa lahat ng mga naging direktor ko na naging bahagi ng show, maraming salamat po. From the cast to the crew, it was a pleasure to work with all of you.”
Nagpasalamat rin si Bea sa mga sumuporta sa kaniya at sa “Hanggang Sa Muli” at umaasa umano siyang nakapag-iwan sila ng mabuting aral sa mga manonood.
“Sa lahat po ng sumuporta at nanood simula umpisa hanggang dulo, sa lahat ng naka-appreciate ng show na talagang pinaghirapan namin, salamat po. Para sa inyo ito," aniya.
Pagtatapos ng Kapuso actress, "Sana ay may natutunan kayo sa istorya ni Ana at ng kanyang pamilya. Pagmamahal ang palaging nagtuturo ng daan pauwi. Ako si Ana Medrano, signing off. Hanggang sa muli." —Bianca Rose Dabu/NB, GMA News