Gabby Concepcion gives advice on how to stay in showbiz to younger celebrities
Kabilang ang Kapuso actor na si Gabby Concepcion sa mga batikang aktor na hindi maikakaila ang "staying power" sa showbiz.
Mula 1980, napapanood na si Gabby sa iba't ibang TV shows, pelikula, at commercials. Kamakailan lamang nga ay bumida siya sa Kapuso primetime series na "Because Of You," kung saan siya nabansagan bilang Boss Yummy.
Sa kaniyang contract signing sa GMA Network nitong Miyerkules, aminado ang aktor na marami na ang nagbago sa industriya mula noong una siyang sumabak dito.
Aniya, masaya siya sa nakikita niyang galing sa mga mas batang aktor na nakakasabayan niya ngayon sa iba't ibang projects.
"Marami sa kanila ang disiplinado na. Noong panahon namin, wala 'yung guidance na mayroon ngayon. Ngayon, mas may guidance na dahil may talent centers na, tine-train sila sa studios. A lot of them are really disciplined now," ayon kay Gabby.
Gabby Concepcion signs an exclusive contact with GMA; set to star in primetime comedy series @gmanews pic.twitter.com/1nDDqti0sC
— Bianca Rose Dabu (@biancadabu) August 17, 2016
Hindi man makakaila ang mga pagbabago, isa lamang raw ang sikreto ng aktor sa halos 36 na taon niyang pamamalagi sa industriya.
Ayon sa Kapuso actor, "Dapat talaga, makikinig sa mga nakatatanda—directors, magulang. Sila ang nagbibigay ng advice dahil, siguro, alam na nila ang mga napagdaanan nila at ayaw na nilang maulit 'yung hindi maganda.
"Sundan na lang natin sila. They only mean well for us," payo niya sa mga nakababatang aktor. — AT, GMA News