Heart Evangelista shares reason why she likes painting in front of other people
Maliban sa kaniyang matagumpay na career sa showbiz, patuloy na rin ang Kapuso actress na si Heart Evangelista sa paggawa ng marka sa art industry.
Kilala ngayon ang aktres sa kaniyang pagpipinta hindi lamang sa canvas, kundi maging sa designer bags at dresses, mga libro, at marami pang iba.
Sa panayam ng GMA News at iba pang miyembro ng press nitong nakaraang linggo, inamin ni Heart na kakaibang “environment” ang kaniyang kailangan upang makapagpinta.
Aniya, hindi tulad ng ilang artists, mas komportable siyang nagpipinta sa harap ng ibang tao.
“I like to paint with people around. Kapag mag-isa ako, parang nalulungkot ako. Siguro it's the artista in me, I like to have an audience,” kuwento ng Kapuso actress.
Dagdag pa niya, “Nag-try ako. Hindi ko kaya kasi feeling ko may multo. Nag-rent pa ako ng studio, inayos ko pa and all. Pero na-freak out ako. Nag-dark ang paintings ko. Maybe it's not a good environment for me.”
My kind of night #lovemarie #lminfullbloom @iamlovemarie_e
A photo posted by Love Marie Ongpauco Escudero (@iamhearte) on
Matapos ang kaniyang pagbida sa GMA Primetime series na “Juan Happy Love Story,” abala ngayon si Heart sa paghahanda para sa kaniyang iba't ibang proyekto sa labas ng showbiz, kabilang na ang isang perfume line, clutch bag line, clothing line, at marami pang iba.
Kamakailan lamang, ibinida ni Heart sa “Carry Your HeART” exhibit ang koleksyon ng 40 luxury bags na pinintahan niya.
Sa darating na Oktube, nakatakdang lumipad papuntang France ang aktres para sa espesyal na collaboration kasama ang isang Parisian brand. — AT, GMA News