ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Maine Mendoza, nagbigay ng advice sa mga iniwan nang ‘walang closure’


Patuloy sa pagbibigay ng love and life advice ang Kalyeserye sweetheart at host-actress na si Maine Mendoza sa Facebook live segment ng “Eat Bulaga!” na tinatawag niyang “Dear Menggivina.”

Nitong Martes, humingi ng payo ang tagasubaybay na si Carla, na iniwan umano ng kaniyang “ka-M.U.” nang walang ibinibigay na paliwanag.

“Nakita ko pa siya na may ka-holding hands na iba. Nais ko sana siyang tanungin kung ano nagawa kong mali pero ayokong magmukhang naghahabol sa kaniya. Ano po ang nararapat kong gawin?” ayon sa letter sender.

Sagot ni Maine, hayaan na lamang niya ang lalaki at mag-move on sa pamamagitan ng pagtuon ng atensyon sa ibang bagay, tulad ng kaniyang hobbies, pag-aaral, mga kaibigan at kapamilya.

Aniya, “Personally, kung sa akin mangyari ‘yan, hahayaan ko na lang. Hahayaan ko na lang siya... hindi ko na siya kukulitin, hindi ko na siya tatanungin, hindi ko na siya kakausapin. Kasi magmumukhang hinahabol ko, kahit na ang gusto ko lang naman malaman ay 'yung rason kung bakit niya ako iniwan.”

“Magmu-move on na lang ako, kasi... mahirap para sa iba na walang closure, pero kaya ko naman 'yung mga ganyang bagay. Nasanay na rin ako. Move on, move on na lang. Ganoon naman ang buhay,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Maine, “Isa pa, nakita mo nang may ibang kasama. Magmumukha pang pinagsisiksikan mo ang sarili mo. Kung makita mong masaya na siya, maging masaya ka na lang din sa buhay mo.”

Hindi rin daw sang-ayon ang dalaga sa pagkakaroon ng “ka-M.U.” o mutual understanding.

Paliwanag niya, “Kailangan talaga na i-klaro mo sa partner mo o kung sino man ang love interest mo kung ano ba kayo. Ang hirap ng M.U. lang kayo kasi wala kayong hawak sa isa’t isa. Puwede mo siyang iwan anytime, puwede ka niyang iwan anytime.”

“There's more to life. Hindi lang sa lalaking 'yun umiikot ang mundo mo. Hindi matatapos ang buhay mo dahil iniwan ka niya,” paalala pa ni Maine sa lahat ng manonood. — RSJ, GMA News

Tags: mainemendoza