ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Alden-Maine preps para sa kanilang ‘Kalyeserye wedding’  


Sinubaybayan ng marami ang naganap na kasal nina Maine Mendoza at Alden Richards sa Kalyeserye noong Sabado, na dinaluhan ng kani-kanilang pamilya at mga kaibigan mula sa loob at labas ng showbiz. 

Maliban sa nakakakilig na Same Day Edit video mula kay Jason Magbanua, sinundan rin ng sikat na wedding videographer ang paghahanda ng dalawa bago ang kanilang kasal. 

Tinawag niya si Maine na “Radiant Bride” habang si Alden naman ang “Dashing Groom.”

Tulad ng kanilang hindi inaasahang pagkakakilala at pag-iibigan sa Kalyeserye, isa lang ang nasabi ni Maine habang naghahanda: “Hindi ko rin alam kung anong mangyayari.”

Umusbong ang pagmamahalan ng dalawa noong una silang magkita sa via split screen noong Hulyo 2015, at mula noon ay tinutukan na ng mga manonood ang kanilang kuwento sa kalyeserye.

Dumaan sa maraming pagsubok ang kanilang pagmamahalan, na tinutulan maging ni Lola Nidora noong una. Minsan na rin muntik maikasal si Maine kay Frankie pero hindi natuloy nang totohanang mawalan ng malay ang dalaga at isinugod sa ospital.

Bukod kina Lola Nidora, Tidora, at Tinidora, present din sa pag-iisang dibdib ng tambalan na unang nakilala bilang AlDub (Alden at Yaya Dub) ang ama ni Maine na si Daddy Dods at ang lola ni Alden na si Lola Babah.

Kabilang naman sa mga tumayong ninong at ninang sina Mike Enriquez at Helen Gamboa.

Nandoon rin sina Jake Ejercito, Rodjun Cruz, at "EB" dabarkads para magsilbing mga abay. Bahagi rin ng kasal ang mga bulilit dabarkads na si Ryzza Mae Dizon at Bae-by Baste.

Si Kuh Ledesma naman ang kumanta ng wedding song na "When I Fall In Love."

Ang kanilang pag-iisang dibdib at pagbubukas ng panibagong yugto sa kwento ng kanilang pag-iibigang...forever.

Abangan ang susunod na mga kabanata! —Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News