Jeremiah, Jude Michael, Jireh Lim hit mega jackpot on Wowowin
Natupad na ang pangarap ng mga miyembro ng 90s boyband na Jeremiah, “Mula Sa Puso” singer na si Jude Michael, at novelty ballad singer na si Jireh Lim nang makapagtanghal muli sila sa harap ng maraming tao nitong Lunes sa “Wowowin,” ngunit hindi nila inaasahang susuwertihin rin sila sa “Pera o Kahon” segment ng Kapuso variety show.
Nag-uwi ng isang milyong piso at house and lot ang OPM hitmakers matapos makalaban ang ilan pang sikat na singeers, kabilang na ang “Triplets” na sina Manilyn Reynes, Sheryl Cruz, at Tina Paner.
Bukod sa suwerte, mahalaga rin daw na group effort ang kanilang ibinuhos sa paglalaro.
Ayon kay Jireh, “Ilang game shows na ang sinalihan ko, pero wala. Ngayon talaga—kundi dahil sa kanila. Si Kuya, sumagot ng mga tanong, tapos siya ang namili ng kulay.
“Kung sino ang majority, we'll support it. Walang bad vibes. Sabi namin kanina, mananalo tayo. Law of attraction worked for us,” dugtong ni Jude.
Paano kaya paghahatian ng limang mang-aawit ang kanilang premyo?
“Magse-celebrate muna kami. The rest, to follow na lang,” simpleng sagot ni Jude. —NB, GMA News