Sunshine Dizon at Ryza Cenon, may mensahe sa mga tunay na asawa at mga kabit
Isang kakaibang kuwento ng buhay at pag-ibig ang binibigyang-buhay nina Sunshine Dizon at Ryza Cenon sa "Ika-Anim Na Utos," kung saan gumaganap sila bilang isang asawa at isang kabit.
Bukod sa magaling na pag-arte ng mga bida ng programa, isa rin ang GMA Afternoon Prime series sa mga tinututukan ng mga manonood sa iba't ibang bahagi ng mundo dahil marami ang nakaka-relate sa kuwento nito.
Sa isang Facebook Live video na nai-post nitong Martes, nagbahagi ang mga aktres ng kanilang love advice para sa lahat ng mga tila napapanood ang kuwento ng kanilang buhay sa mga eksena ng "Ika-Anim Na Utos."
Ayon kay Sunshine, hindi raw dapat panghinayangan ang pag-alis ng isang kasintahan o asawang nanloko.
"Good riddance!" mabilis niyang sagot sa tanong na ipinadala ng isang tagahanga.
Dugtong niya, "Your life will not end there. Marami pang mangyayari sa buhay mo. They are unworthy of your love. Let them go and set them free. Mahalin mo ang sarili mo. Dapat inuuna natin ang sarili natin. Ibibigay ni Lord kung ano ang sino ang para sa'yo."
Para naman kay Ryza, mas susundin niya raw ang maaaring gawin ni Emma, ang "tunay na asawa" na binibigyang-buhay ni Sunshine sa teleserye.
Nais raw niyang magpakatatag hindi para sa sarili o sa kaniyang kinakasama, kundi para sa kanilang mga anak.
"Siyempre, ipaglalaban ko kung kaya pa para sa anak. Kung kaya pang ilaban, bakit hindi? Pero kung talagang wala na, huwag na lang i-push kasi kaya ko rin namang palakihin 'yung anak namin nang wala siya," paliwanag niya.
Dagdag ni Sunshine, "The best thing to do is learn from it and move on gracefully. Come out stronger and a better person."
Bukod sa mga payo para sa mga tunay na asawa o kasintahan, nagbigay rin ng mensahe ang mga aktres sa mga kabit.
Ayon kay Ryza patungkol sa karakter na kaniyang ginagampanan, "'Yung ginagawa ni Georgia, mali talaga 'yun. Huwag nating ipilit 'yung hindi naman dapat."
"Kumbaga, huwag kang sumira ng pamilya dahil lang sa nararamdaman mo o sa gusto mong mangyari. Huwag kang selfish, huwag sarili mo lang ang iniisip mo," dagdag pa niya.
Bilang pagtatapos ng kanilang pagsagot sa tanong, inulit ni Sunshine ang isa sa kaniyang iconic lines sa teleserye: "Tandaan mo—hindi mananalo ang kabit sa tunay na asawa."
[READ: Sunshine Dizon shares sweetest messages from 'Ika-6 Na Utos' fans]
Bida ngayon sina Sunshine at Ryza sa GMA Afternoon Prime series na "Ika-Anim Na Utos," kasama sina Gabby Concepcion, Ryza Cenon, Mike Tan, Marco Alcaraz, Rich Asuncion, Daria Ramirez, Carmen Soriano, Mel Martinez, at Arianne Bautista.
Mapapanood ang top-rated Kapuso daytime drama araw-araw sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng “Eat Bulaga!" — RSJ, GMA News