ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Eulogy service para kay Direk Maryo de los Reyes napuno ng halakhakan


Napuno ng halakhakan, madamdaming awitin, at mga magagandang alaala ang ginanap na eulogy service para kay Direk Maryo J. de los Reyes nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "Unang Balita," sinabing present ang mga Kapuso artists tulad nina Dingdong Dantes, Alden Richards, AiAi delas Alas, Rhian Ramos, Lovi Poe, mag-asawang sina Max Collins at Pancho Magno, Katrina Halili, Bianca Umali at Miguel Tanfelix, Janine Gutierrez, Ruru Madrid at Ken Chan, para magbigay-pugay sa namayapang direktor.

Itinuturing na institusyon sa showbiz, puro inspirasyon at mga aral ang dala ni direk Maryo sa mga Kapuso stars, kaya lubos-lubos ang kanilang pasasalamat.

"Andami niyang mga sinabi sa akin na mga gabay, andami niya sa aking mga pinabaon na mga salita bago siya nawala and lahat ng iyon talagang hindi ko makakalimutan," pahayag ni Ken.

Nagpasalamat din ang GMA Executives at mga empleadong nakatrabaho niya sa kaniyang mga kontribusyon.

Sang-ayon ang lahat na magaling tumuklas at mag-aalaga ng mga artista si Direk Maryo, bukod pa sa kaniyang pagbabahagi ng talento sa pagdidirek.

"Malaki rin 'yung contribution niya sa Artist Center. Hindi ko alam kung alam din ng publiko ito pero he was part of Artist Center, and parang tatay siya ng mga artists ng GMA. Tine-train niya sila at itinuring niyang parang talagang mga anak niya ang mga artista natin at sa mga taga-GMA naman, he was family to all of us. Magaling na magaling siyang direktor pero napakabait rin niya, mapagmahal so it's really a tremendous loss to GMA and to the whole showbiz industry," sabi ni Annette Gozon, GMA Films President.

Biyernes ng gabi ang huling gabi ng lamay para kay direk Maryo.

Sa Sabado ang cremation ng kaniyang labi bago dalhin sa kaniyang huling hantungan sa Himlayang Pilipino sa Tandang Sora, Quezon City. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News