Sam Milby to file charges vs Lolit Solis; Lolit prepares for case
Lumipad na patungong Canada kaninang 6:30 a.m. via Northwest Airlines si Sam Milby kasama sina Pokwang at Piolo Pascual para sa kanilang series of shows doon. Kasama rin ni Sam ang kanyang manager na si Erick Raymundo at mawawala sila for two weeks at babalik sila ng Pilipinas on November 7. Bago umalis si Sam ay nagkaroon ng pagkakataon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na makausap siya sa ABS-CBN compound kahapon, October 22, dala-dala ang ilang musical instruments na dadalhin niya raw sa Canada. From ABS-CBN, dadaan daw muna siya sa ipinapatayo niyang bagong bahay sa Pasig. Pagkatapos ng interview kay Sam sa The Buzz last Sunday, October 21, kaugnay ng pagde-demand niya ng retraction at public apology mula kay Lolit Solis, kinabukasan ay agad ding lumabas ang mga kasagutan ni Lolit sa kanyang mga column Isa sa mga isinulat ni Manay Lolit ang pagiging American citizen ni Sam. Nang hingan ng reaksiyon si Sam tungkol sa kanyang citizenship, mariin sinabi ng matinee idol na: "I am a Filipino. I have a dual citizenship." Nilinaw ni Sam na hindi siya galit kay Manay Lolit. "I'm not angry with her. But what she did to me was wrong. We have to stand on what is true and righteous," sabi niya. Pursigido si Sam na ituloy ang pagdedemanda niya kay Lolit kapag hindi raw ito nag-retract o humingi ng apology sa kanya. Nakahanda raw maghintay si Sam na humingi na apology mula sa talent manager. Kahit mawawala ang actor-singer sa bansa ng dalawang linggo, puwede pa rin daw humingi ng apology o retraction sa kanya si Lolit dahil makakarating naman daw sa kanya ang balita through TFC. Or else, he will pursue with his case against Lolit. Habang wala si Sam ay patuloy naman daw ang pagmu-monitor ng mga abugado niya sa iba pang makikisawsaw sa isyu at magsusulat ng hindi maganda sa controversial actor. Masusing pag-aaralan ng mga abugado ni Sam ang lahat ng mga naninira sa kanya at sasampahan daw ng kaukulang kaso kung kinakailangan. This time, hindi na ang manager ni Sam na si Erick at ang ABS-CBN Star Magic ang magmo-monitor ng write-ups tungkol sa kanya kundi ang mismong mga abugado nila. Hindi raw magdedemanda ang Star Magic, pero very open sila sa pagbibigay ng suporta kay Sam. Posible raw na hindi lang si Lolit ang sampahan ng kaso ng kampo ni Sam kung sakali kundi pati na ang ibang magsusulat ng malisyosong bagay tungkol sa aktor. Lolit Solis ready "Ready na ako sa anumang kaso na isasampa ni Sam [Milby] laban sa akin," pahayag ni Lolit Solis sa kanyang column na lumabas ngayon araw, October 23, sa Pilipino Star Ngayon. Kaugnay pa rin ito ng naisulat ni Lolit sa kanyang column noong October 15 kung saan sinabi niya na nakita niyang "nagbubulungan at halos magkadikit ang mga pisngi" nina Sam at Piolo Pascual sa coffess shop ng Hotel Sofitel noong October 12. Dahil dito, nag-demand si Sam ng public apology at retraction mula kay Lolit. Hiniling din ng actor-singer na bawiin ng kolumnista ang kanyang naisulat. Bagay na hindi naman pinaboran ni Lolit. Paliwanag ng Startalk host, "Mas gugustuhin ko na idemanda ako ni Sam kesa bawiin ko ang statement ko. Puwede akong mag-sorry kung talagang na-hurt siya sa aking mga sinabi, pero never kong babaguhin ang kwento ko!" Nagtataka pa rin si Lolit kung bakit tanging sa kanya lamang nag-react ng ganito si Sam gayong marami na rin daw ibang tao ang diumano'y kumukuwestiyon sa kasarian nila ni Piolo. Sabi ni Lolit, "Kapag itinuloy ni Sam ang pagdedemanda, ipinakita lang niya na hindi siya patas lumaban. Bakit hindi niya idinemanda ang mga tao na nagsasabi noon na gay siya? Ako, never akong nagsulat na gay si Sam o si Piolo." Dagdag pa niya, "Amateur na amateur nga ang statement ko kumpara sa mga sagot noon ng mga naging guest sa radio program ni DJ Mo [Twister] na itinanong nito kung sino sa palagay nila ang mga artista na sasabihan nila ng 'Dude, I think you're gay!' Kaninong pangalan ba ang kanilang isinasagot, pero hindi naman nagbanta ng demanda?" OTHER WITNESS? Nabanggit din ni Lolit sa kanyang column na isang empleyado ng produktong nagdaos ng event sa Hotel Sofitel ang tumawag sa kanya at nagsabi na nakita rin niya si Piolo noong October 12 sa naturang hotel. Binanggit din diumano ng naturang emplyedo ang uri ng sasakyan na gamit ng aktor. Salaysay ni Lolit, "Ikinuwento pa nga nila sa akin na Hummer ang sasakyan ni Piolo. Paano nalaman ng mga tumawag sa akin ang klase ng sasakyan na gamit ni Piolo kung hindi nila nakita?" AMERICAN CITIZEN? Binanggit din ni Lolit ang pagiging American citizen ni Sam sa kanyang column. Ayon kay Lolit, "Welcome na welcome sa akin ang pagdedemanda na gagawin ng isang American citizen. O ayan ha, baka sabihin na naman ng fans na nagbibigay uli ako ng malisya dahil sinasabi ko na American citizen siya. Na inililihis ko ang isyu. "It's a fact na American citizen si Sam, 'no! Baka nga hindi niya memorized ang lyrics ng 'Lupang Hinirang' kapag ipinakanta ito sa kanya!" pahabol pa ng palabang kolumnista. - Philippine Entertainment Portal