ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Maja Salvador's pa, ex-actor Ross Rival, cremated


Kaninang alas-dos ng hapon naka-schedule ang cremation ng yumaong ama ni Maja Salvador, ang dating character actor na si Ross Rival. Prostate cancer, na nagkaroon na ng maraming kumplikasyon sa ilang bahagi ng katawan gaya ng liver, ang sanhi ng pagkamatay ng ama ni Maja. Alas-una ng madaling-araw nuoong Huwebes, November 15, nang itakbo sa ospital ang ama ni Maja na naninirahan sa Cavite kapiling ang huling karelasyon nito at ang apat nilang anak. Sad to say, hindi na inabutan na buhay ni Maja sa ospital ang kanyang ama. Agad ding sumugod sa ospital ang kapatid ni Ross na si Phillip Salvador at ang legal wife ng dating aktor na si Alicia Alonzo. Si Alicia ang nanguna sa pag-aasikaso sa ospital hanggang sa burol ni Ross. Kasunod ni Alicia ang iba pang babaeng nakarelasyon ni Ross. Kahit nung nabubuhay pa si Ross ay nagbibigay na ng tulong si Alicia sa mga anak ng dating aktor sa ibang babae. Anak ni Alicia kay Ross ang dating matinee idol na si Jonjon Hernandez na namatay sa isang car accident. Bukod kay Jonjon, may isa pa silang anak na nagngangalang Joseph na naka-based na sa New York. Hinintay lamang ang pagdating ni Joseph at isa pang anak ni Ross na isang basketball player/model sa United States bago siya i-cremate. Apat na araw ibinurol sa St. Peter's Chapel sa Quezon Avenue ang dating aktor na kabilang sa pamosong showbiz clan na mga Salvador. Dumating sa burol ang mga kapatid ni Ross, gaya ng dating producer na si Ramon Salvador. Marami naman ang nagulat sa pagdating ng comedienne na si Malou de Guzman sa burol ni Ross. Lingid sa kaalaman ng iba, nagkaroon din ng anak na babae si Ross kay Malou na nagngangalng Luchi. Si Luchi ang panganay na anak na babae ni Ross. Kagabi, November 19, dumagsa sa huling gabi ng burol ang mga kaibigan sa showbiz ni Maja tulad nina Piolo Pascual, Mark Bautista, at Erik Santos. Four years ago nang mahanap ni Maja ang kanyang ama pagkatapos mawala ang komunikasyon nila. Nang makita ni Maja ang ama, matindi na ang lagay ng sakit na cancer nito. In fact, sobrang payat noon ni Ross at nabalitang namatay pa. Simula noon ay hindi na nagkait si Maja ng tulong sa pagpapagamot sa kanyang ama. Pasalamat na rin ng ibang mahal sa buhay ng yumaong aktor na na-extend pa ang buhay niya ng apat na taon. Huling nakita ng publiko ang ama ni Maja sa kanyang debut last year. Sa ngayon, halos tulala pa rin daw si Maja at hindi makausap nang maayos. Masyado pa ring masakit kay Maja ang pagkawala ng kanyang ama na nakapiling niya sa maikling panahon. - Philippine Entertainment Portal