Vic Sotto to apo: Don't call me Lolo, Tatay will do
Kahit na magiging isang lolo na si Vic Sotto, ayaw niyang magpatawag na "lolo" sa magiging apo niya kay Danica Sotto-Pingris. Gusto niya "tatay" na lang ang itawag sa kanya. "Nakasanayan ko na kasi na ang tawag sa akin nila Danica at Oyo [Sotto] ay Tatay. Yun na lang at mas masarap pakinggan. Huwag lang lolo muna. Bata pa naman tayo, âdi ba?" sabay tawa ni Vic. Inamin ni Bossing, ang tawag kay Vic sa showbiz, na worried siya sa pagbubuntis ni Danica dahil medyo maselan daw. Bale two months na siyang buntis, at sa ngayon, two weeks of bed rest ang inutos ng doctor nito na gawin niya. "Kinumusta ko naman siya at okey naman ang pakiramdam niya. First time kasing magbubuntis si Danica kaya medyo mahirap for her. Yun pa lang, hindi mapakali sa kinalalagyan niya. Eh, ngayon, iba na ang buhay niya. Kaya puro ingat siya ngayon sa katawan niya kasi nga dala niya ang apo namin ni Dina [Bonnevie]. "Nag-stay nga siya ng ilang araw sa bahay because Marc [Pingris, mister ni Danica] was out of town for a PBA game. Wala namang problema kasi nandoon si Oyo para bantayan siya parati," kuwento ng Box Office King. It will not matter daw kung babae or lalake ang magiging panganay na apo ni Bossing Vic. Ang importante ay malusog na iluluwal ni Danica ang apo niya at walang mangyayaring kumplikasyon sa panganganak ng kanyang panganay. "I want my daughter and granddaughter safe siyempre. Kaya pinagdarasal namin na maging okey sila. Nandito naman ako parati para sa anak at apo ko," aniya. Ngayong December 25 na nga ipapalabas sa Metro Manila Film Festival ang fourth installment ng Enteng Kabisote series na Enteng Kabisote 4: The Beginning of the Legend. Marami ang umaasa ulit na hahataw na naman ito sa takilya. Ang kuwento ni Bossing, "Gusto lang naman namin ay ma-entertain ang buong pamilya sa Pasko. We want their money's worth kaya binuhos namin ang mga magagandang special effects na magugustuhan ng mga bata. May mga flashback scene kami rito. At sa mga hindi naabutan ang Okey Ka Fairy Ko, mapapanood nila si Aiza [Seguerra] rito na batang-bata pa." Masaya ring ibinalita ni Vic na sa January 2008 ay tuloy na nga raw ang pelikulang pagsasamahan nila ng Comedy King na si Dolphy. Inaayos na lang daw ang script at ang shooting schedules nila. "Matagal ko nang pangarap to work with the Comedy King himself. Nagpapasalamat ako na napaunlakan tayo ni Mang Dolphy sa hiling kong ito. Basta abangan na lang nila next year ang project naming ito," ang sabi ng TV host-comedian. - Philippine Entertainment Portal