Returning sexy actor Mike Magat has 3 new shows on GMA-7
Masuwerte ang muling pagbabalik sa showbiz ng dating sexy actor na si Mike Magat. Tatlo kaagad ang shows na lalabasan niya sa GMA-7. Una na rito ang Joaquin Bordado, pangalawa ang Babangon Ako't Dudurugin Kita, at pangatlo ang Kamandag. Pero nilinaw ni Mike sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na hindi naman kalakihan ang mga roles niya sa mga nabanggit TV shows na ito. Pasulpot-sulpot lang daw siya pero nagpapasalamat siya at hindi siya nahirapan na maghanap ng acting job sa muling pagbabalik niya. Aniya, "Natutuwa naman ako kasi mga limang taon din akong nawala sa sirkulasyon at nagtrabaho ako sa ibang bansa. Sa pagbalik ko, hindi ko naman binalak na umarte ulit. Gusto ko lang magnegosyo ulit at makasama ang pamilya ko rito. Malaki na kasi ang anak ko, e. "Pero siguro nga may lugar pa tayo sa showbiz at noong may makaalam na nandito ako, kinuha na ako mag-guest at nabigyan pa tayo ng mga lalabasan na mga shows. Kaya heto umaarte ulit tayo," masayang sabi ni Mike. Mga tatlong taon ding nagtrabaho sa Japan si Mike bilang lead vocalist ng isang banda roon. Okay naman daw ang kinikita niya, pero na-miss din daw niya ang showbiz. "Nakaka-miss din ang mga nakagisnan mong trabaho," pag-amin niya. "Nagsimula ako kasi sa showbiz noong 1992 pa. Nasanay na tayo sa shooting araw-araw. Nagsimula tayo bilang stuntman, hanggang sa magbigyan ng chance na maging extra tapos makasama sa supporting cast at umabot ako sa pagiging lead actor. Marami akong pinagdaanan kaya hindi ko basta-basta makakalimutan ang showbiz." Nakilala si Mike sa mga sexy films gaya ng Nights Of Serfina, Curacha: Ang Babaeng Walang Pahinga, Ang Babae Sa Bubungang Lata, Phone Sex, Pukyutan, Dalawang Pisngi ng Langit, Saranggani, Sekswal, Hubad Sa Ilalim ng Buwan, Mainit na Bala, Huling Birhen sa Lupa, at iba pa. Nakatambal niya sa mga pelikulang sina Rosanna Roces, Georgia Ortega, Rita Magdalena, Ara Mina, Camille Roxas, Aya Medel, at ilan pang mga dating sexy stars. Kung may isang sexy star daw ngayon na gustong makita ulit si Mike, ito ay walang iba kundi si Katrina Halili. Sabi ni Mike, nakilala niya si Katrina noong 16 years old pa lang ito at sobrang hilig na raw nitong mag-artista. Naisama pa nga raw niya ito sa kanyang mga shootings noon. Ngunit nang mangibang bansa si Mike ay hindi na sila nagkausap ni Katrina. "Masaya ako sa nangyayari kay Katrina. Hindi ko akalain na magiging malaking artista siya. Noong makilala ko 'yan, wala pang StarStruck noon. Pero hilig na niyang mag-artista noon talaga. "Gusto ko lang naman siyang makita ulit at i-congratulate. Natupad na kasi ang mga matagal niyang pangarap. Sana nga, ngayong nagtatrabaho na rin ako sa GMA-7, e, makasalubong ko naman siya para batiin ko siya. Siguro naman kilala pa niya ako hanggang ngayon," pagtatapos ni Mike. - Philippine Entertainment Portal