Sheena Halili moves on after breakup with Rainier Castillo
Malaking tulong sa career ng young actress na si Sheena Halili ang napasama siya sa top-rating series ng GMA-7 na Marimar. Dahil sa nasabing teleserye ay mas lalo siyang napansin at nakilala ng publiko. Gumaganap siya rito bilang Monica, ang best friend ng kontrabidang si Angelika played by Katrina Halili. "Masaya po ako na naging part ako ng Marimar," ani Sheena sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong March 7 sa Cheese Cake, Tomas Morato, Quezon City. "Nung binigay po sa akin yung Marimar, nung tinext ako na, 'Uy kasama ka sa Marimar,' wala naman sa isip ko na malaki yung role ko. Sabi ko, 'Baka naman ilang taping days lang ako diyan, wala na naman ako.' "'Tapos nung nalaman ko pa na si Katrina ang makakasama ko, dun medyo naging palagay ako. Sabi ko magiging okey yung akting ko. Gamay ko na kasi sa trabaho si Katrina. "Kasi âpag ibang mga artista ang nakakasama ko, inaamin ko na medyo nahihirapan akong umarte. Meron kasing ibang mga artista na hindi nagpapahawak, yung hindi nakikipag-eye-to-eye." Sabay na pumasok sa showbiz sina Katrina at Sheena. Pareho silang produkto ng first batch ng artista-search noon na StarStruck. Pero mas maraming naging shows si Katrina kesa kay Sheena, kaya naman mas sanay nang umarte si Katrina. "Si Katrina, tinuturuan niya akong umarte, bilang mas marami nang experience sa acting kesa sa akin," kuwento pa ni Sheena kung gaano ka-helpful ang ka-batch niyang si Katrina. COMPLETELY OVER RAINIER. Sa ngayon ay loveless si Sheena. After her failed relationship with StarStruck batchmate Rainier Castillo ay hindi pa ulit siya nakikipagrelasyon. Kumusta na ba sila ni Rainier, may communication pa rin ba sila ng kanyang ex-boyfriend? "Honestly, wala kaming communication ni Rainier. Ni hindi kami nagti-text-an sa isa't isa. âPag nagkikita âtapos nagha-âhi!' siya, nagha-âhi' rin ako." Civil lang daw sila sa isa't isa. Batian âpag binati, dedmahan naman âpag dinedma. Honest din sa pagtatapat ni Sheena na hindi naging maganda ang paghihiwalay nila ni Rainier. "Nasaktan kasi talaga ako. Parang hindi ko lang talaga deserve yung nangyari noon na parang hindi tama. Hindi maganda," may hinanakit pang nasabi niya. "Hindi ko na matandaan, basta masakit. Hindi ko lang po siguro alam kung ano talaga yung dahilan kung bakit kami naghiwalay," may kalabuang pagpapaliwanag ni Sheena, as if merong masakit na alaalang ayaw nang balikan. Si Rainier kasi ang first boyfriend ni Sheena kaya talagang dinamdam nang husto ng dalagang Kapampangan ang paghihiwalay nila. "Marami akong pinagdaanan nung kami pa ni Rainier. Maraming may ayaw sa akin. Pero pinaglaban ko yun dahil mahal ko siya noon. Hindi ko sila inintindi." Usap-usapang isa sa dahilan ng hiwalayan nila ni Rainier noon ay dahil against ang parents niya sa binata. May katotohanan ba ito? "Naku, hindi po. Yung parents ko, gusto naman po siya para sa akin. Siguro naman ang magulang kapag may napansin na pangit, aayaw rin naman yan, âdi ba? Sinuportahan naman ako ng parents ko noon," tukoy pa ni Sheena tungkol sa lipas nang relationship niya with Rainier. Masasabi ba niya na mas malaki ang fault ni Rainier kesa kanya sa hiwalayan nila? "Siguro may kasalanan din ako kung bakit ginawa niya yun. Siguro rin na-realize niya na hindi niya ako talaga mahal. Siguro hindi rin talaga kami para sa isa't isa." Kung noon ay talagang mahal ni Sheena si Rainier, ngayon ay walang-wala na raw talaga siyang nararamdaman sa dating boyfriend. "Wala na po talaga akong feelings sa kanya," deklara ni Sheena. "Kung mahal ko naman yung isang tao, bakit hahayaan ko pa na hindi ko siya pansinin? Bakit hindi ko siya lapitan, 'di ba?" Paano niya ibinaon sa limot ang pag-ibig niya kay Rainier? "Hinarap ko talaga lahat ng sakit. Iniyak ko lahat. Nung sinabi ko na 'tama na,' tama na talaga. "Kasi may ibang girls na kapag nakipag-break sa boyfriend nila, para maka-move on, hahanap ng iba. Ako talaga hindi. Kung kelan na lang dumating, okey na yun. At least nakita ko naman na kahit single ako, masaya ako. "Parang...dumarating naman sa akin yung mga ipinagdarasal ko sa Diyos. May pamilya naman ako, may career ako ngayon, âtapos nakakapag-aral ako noon sa Angeles University Foundation. Tourism ang kinukuha ko noon. Tumigil lang muna ako ngayon kasi Sunday na lang ang free day ko. Unlike dati pagkagaling ko ng taping, tanggal lang ako ng makeup, âtapos diretso na ako ng school. Ngayon hindi ko na talaga maisingit sa schedule ko ang pag-aaral," kuwento pa ni Sheena kung paanong napalitan naman ng magandang blessings ang pagkawala ng love life niya. Dahil nga sinabi ni Sheena na hindi niya na mahal si Rainier, ibig bang sabihin nito na kahit halimbawang gumawa pa ng move si Rainier na makipagbalikan sa kanya ay hinding-hindi na talaga niya ito tatanggapin? "Tinatanong din ng mommy ko âyan, e. Ayokong magsalita nang patapos. Yun ang sinasabi rin ng mommy ko na huwag akong magsalita ng patapos kasi hindi ko raw alam ang kapalaran ko. Pero dahil tapos na yung sa amin [ni Rainier], naka-move on ako. Okey na yun, tama na yun." NEW LOVE? Nali-link ngayon si Sheena kay Arthur Solinap, ang gumaganap na asawa niya sa Marimar. Pero ayon sa dalaga ay hindi naman daw ito nanliligaw sa kanya. "Nagsu-sweet-sweet-an lang siya sa akin. Tulad kahapon na may lagnat ako, binigyan niya ako ng gamot, 'O, uminom ka na ng gamot, yan ang sinasabi ko sa âyo', ganyan-ganyan. âTapos sabi niya, 'O, ano ba ang gusto mo?' âTapos binili niya ako ng salad. "Pero hindi ko iniisip na seryoso yun, parang barkada lang talaga kami ni Art, e. "Sinasabihan ko rin siya na, 'Uy, best friend lang tayo, ha,' ginagano'n ko siya. Inuunahan ko na, na parang ayoko pang makipag-boyfriend." Ano ba ang ideal guy niya, yung tulad ba talaga ni Rainier, na medyo maliit at cute? "Hindi po, e. Actually, ang gusto ko nga po ay yung matangkad. Yung tall, dark, and handsome. "May nanliligaw naman po sa akin na ganun, kaya lang nag-aaral pa siya. Sabi ko sa kanya, mag-aral na muna siya," pabitin na tapos ni Sheena about the latest sa kanyang love life. Hindi na lang nagbigay pa ng detalye ang dalaga tungkol sa non-showbiz suitor niyang ito. - Philippine Entertainment Portal