ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Annabelle Rama to critics: Sorry na lang kayo


Bilang patunay na kumita sa takilya ang comeback movie ni Annabelle Rama na My Monster Mom, nagbigay ng thanksgiving/victory party ang Regal Entertainment at GMA Films kagabi, July 10, sa Imperial Palace Suites na pag-aari ng Regal matriarch na si Lily Monteverde. Humarap din sa press si Annabelle upang sagutin ang mga paninira na hindi raw kumita ang kanyang pelikula. Ayon sa Regal at GMA Films ay kumita na ng almost P40 million ang My Monster Mom sa unang linggo nito sa mga sinehan. Kaya naman abot-abot ang pasasalamat ni Annabelle sa tagumpay ng kanyang pelikula sa kabila ng mga paninira ng iba. "Naniniwala akong kumita ang My Monster Mom dahil tinitira na ako ngayon, e," bungad ni Annabelle. "Dati hindi naman ako pinapansin habang nagpo-promote pa ako. Ngayong nag-showing na, talagang sinisiraan ako, matigas daw akong umarte... Sila kaya ang umarte after 35 years? Napakahirap umarte kaya? Ime-memorize mo yung mga dialogues mo, iintindihin mo pa pati mukha mo... Kaharap ko pa si Joey Reyes [their director], kaharap ko pa si Ruffa Gutierrez, magagaling na artista. Siya ang umarte kaya? "Ako, inaamin ko talaga naninigas talaga ako. ‘Pag sinabi ni Direk, ‘Action!' talagang naninigas ang buong katawan ko. Hindi ko alam kung paano ko natapos yung movie na ‘yon. Ako, inaamin ko yung mga comment ng iba. Hindi ako nagagalit na ano daw, wala raw akong facial reaction. Wala akong pakialam, ang importante kumita ang pelikula! "May facial reaction ka nga, ang galing-galing mong umarte, e, nilalangaw naman sa takilya, di ba? At least sa akin, facial expression ko sa movie, nagustuhan ng mga manonood kasi pababalik-balik silang manood, lalo na ang mga katulong ko, pabalik-balik sa mga sinehan. "Ako, kahit No. 2 lang ako, hay naku, tuwang-tuwa ako No. 2 lang ako kay Will Smith [bida sa Hollywood film na Hancock]. Okay lang ‘yon, sikat naman yung kalaban ko, ‘no? Kaya okey lang sa akin yung No. 2, happy'ng-happy ako!" walang prenong pahayag ng Gutierrez matriarch. Ikinuwento rin ni Annabelle na pati ang kanyang mga apo at mga katulong ay walang sawa na pinapanood ang kanyang pelikula. "Si Ruffa, nagbilin sa mga katulong, ‘Huwag mong papanoorin ang mga bata [Lorin at Venice] ng Monster Mom kasi alam mo naman ang bunganga ng nanay ko, sigaw nang sigaw. Baka matakot sila Lorin.' Now, namilit si Lorin kay Eddie na first day pa lang manood sila. Ako, hindi ko alam na nanood pala siya sa Glorietta. Ayaw umalis nung bata, gusto pang ulitin ulit. So, inulit na naman ni Lorin the next day. Sabi niya, ‘Lola, I want to watch again.' Sabi ko, ‘Why Lorin?' ‘I love the movie, Lola.' Ibig sabihin, pambata talaga yung pelikula. "Kaya nung weekend, kasama ko yung dalawang apo ko, nanood kami sa Megamall, at saka lahat ng yaya. Kaya siguro naka-limang libo ako nung Sabado. Apat na sinehan ang inikot ko, e. Iba-iba, Trinoma, Gateway, Megamall... Kaya naka-limang libo ako dahil marami akong mga kasama!" nakakatawa niyang kuwento. NOT AFFECTED. Naapektuhan ba si Annabelle sa mga naglabasang balita sa text message at e-mail na hindi diumano kumita ang pelikula niya? "Hindi," mabilis na sagot niya. "Bakit ako maaapektuhan, e, alam ko namang kumikita ang pelikula? At saka ang importante doon, lahat ng mga taong nanood, talagang nakakatuwa sila. Mula umpisa hanggang ending, tawa sila nang tawa kaya nag-e-enjoy talaga ako. "Kaya sabi ko, hindi ko iintindihin ang mga intriga kasi ‘pag ang pelikula flop, makikita mo talaga, mga dalawang tao lang ang tao sa loob ng sinehan. Kaya ako naman, hindi ako naniniwala. Lalo na nung Sunday [July 6], dalawa lang ang may pila sa sinehan—Monster Mom at saka yung Will Smith [Hancock]. Inikot ko sa ibang mga sinehan, dalawa pa rin. Hanggang Fairview, dalawa pa rin ang may pila." May hinala ba si Annabelle kung sino ang nagkakalat ng paninira sa kanya? "May hinala ako, pero sabi ni ano, hindi raw totoo," sagot niya. "Pero sabi ko, yun lang naman ang kaaway ko na hindi matanggap na blockbuster ang movie ko. Yung ibang mga artista na flop ang pelikula, I'm sure sila na ‘yon. Hindi ko na babanggitin pa, pero yun ang hinala ko talaga kasi parang... Biro mo, 55 years old na ako, matanda na ako, ngayon lang ako kumita, ngayon lang ako nagkaroon ng comeback na talagang tinanggap ng taong-bayan. Maraming-maraming salamat talaga. "This is my dream, pero hindi ko hiningi kay Mother; si Mother ang nag-offer sa akin!" diin ni Annabelle. "Di ba nga, kasi nakaka-shock naman talaga na kung kailan ako tumanda, saka ako nagkaroon ng maraming-maraming offer? "At saka tuwang-tuwa naman ako, after 35 years, hindi ako napahiya sa mga anak ko na nag-comeback ako sa pelikula na kumita. Hindi ako napahiya kay Ruffa, kay Eddie [Gutierrez, her husband], lahat sila tuwang-tuwa naman. At sa lahat ng mga nang-intriga sa akin, sorry na lang kayo, ako'y box-office star!" - Philippine Entertainment Portal