ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Pokwang reacts to Joey de Leon's 'aswang' joke


Nasa hot seat ngayon ang komedyanang si Pokwang dahil sa sunud-sunod na intriga na kinasusuungan niya. Isa-isa namang sinagot ni Pokwang ang mga isyung nakakabit sa kanya nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal). Una na ang tungkol sa hidwaan nila diumano ng Comedy Concert Queen na si Ai-Ai delas Alas. "Ay, wala naman yun!" bungad ni Pokwang. "Naintindihan na ni Ms. Ai-Ai yun. Okey na yun. 'Tsaka isa pa, hindi naman siya makitid na tao." RICHARD-KC MOVIE. Pangalawa, ang hindi niya pagkakatuloy na makasama sa latest movie ng Star Cinema, ang For The First Time nina KC Concepcion at Richard Gutierrez. Matatandaan na nagkaroon ng isyu noon ang pag-i-spoof ni Pokwang sa kambal na sina Richard at Raymond Gutierrez. "Ay, ano po, sabi nga nila, kung hindi talaga kayo, huwag mong pilitin. Malamang mas may nakalaang mas maganda, di ba? Yun lang 'yon. Hindi naman lahat ng gusto mo sa mundo makukuha mo. "Tsaka hindi naman direktang sinabi sa akin [na kasama ako sa pelikula]. May nakapagsabi lang. 'Pagka ganun, hangga't hindi nagro-roll yung camera, huwag tayong umasa sa mga project. Hindi ako nag-expect," paliwanag ni Pokwang. Pero gusto rin ba niya na makatrabaho si KC sa ABS-CBN at Star Cinema? "Yes, why not? Pero malay mo naman in the near future, may trabaho kami na pagsasamahan." "ASWANG" ISSUE. Ang latest isyu kay Pokwang ay ang pagtawag diumano sa kanya ni Joey de Leon na "mukhang aswang" sa isang kantang ginawa niya para sa show ng Eat Bulaga! sa Los Angeles. "Masaya siya sa ginagawa niya. Hayaan na lang natin siya," maikling sabi ng komedyana. Ano ang naging reaksiyon niya nang una niyang malaman ang pagtawag sa kanya ni Joey ng "mukhang aswang"? "Actually, hindi po ako nag-react," sabi ni Pokwang. "Kasi naman, hindi ako marunong mag-computer, e. Hindi ko nga alam lumabas yun sa You Tube-You Tube na 'yan. May nakapagsabi lang sa akin na mga kaibigan sa press. "Actually, dapat ko pa nga siyang pasalamatan kasi dahil doon, nalaman ko ang daming nagmamahal sa akin. Nabasa ko yung comment, na ang dami-dami talaga. May positive at negative. "Yung negative, alam naman natin kasi, oo, hindi ako maganda. Alam na natin yun. Hindi na kailangang i-ano, given naman yun, tanggap ko na yun. 'Tsaka yun po ang bread and butter ko, di ba? I'm sure kung maganda ako, baka wala akong mga blessings na ganito karami." Sa live telecast ng Wowowee kahapon, August 18, nagsalita ang host ng show na si Willie Revillame at ipinagtanggol niya si Pokwang. Nakarating daw kasi kay Willie na labis na naapektuhan si Pokwang ng pagtawag ni Joey sa kanya ng "mukhang aswang." Nasaktan si Pokwang dahil pati raw ang nag-iisa na lang niyang anak na nag-aaral ay tinutukso sa eskwelahan na ang nanay niya ay isang "aswang." Naluluhang pumasok si Pokwang sa stage ng Wowowee pagtwag sa kanya ni Willie sa studio. Ayon kay Willie, maraming taong napapasaya si Pokwang sa buong mundo at tulad ng mga kababayan nating OFW, ang komedyana rin ay may malungkot na karanasang sinapit habang siya ay nasa malayong lugar at hindi kapiling ang kanyang mga anak. Kuwento ni Willie, namatay ang anak na lalaki ni Pokwang habang nagtatrabaho siya sa Japan. Kaya naman lahat ng atensiyon at pinagtatrabahuan niya ngayon ay para sa kanyang unica hija na tinutukso diumano sa eskuwelahan na ang nanay ay aswang. Sa kabila nito, winish pa rin ni Pokwang ng maganda si Joey. "Hindi po ako galit sa kanya dahil alam ko naman na may nagtatanggol sa akin. Enough na po yun. Thank you. Kasi nababanggit mo ako, di ba? Bilang isang Joey de Leon, maraming-maraming salamat. More power sa show nila. Positive na lang tayo," pagtatapos ni Pokwang. - Philippine Entertainment Portal