PEP: I.T.A.L.Y. scores A for premiere night, B from CEB
GMA Films' I.T.A.L.Y. (I Trust And Love You) scored A for its premiere night and B from Cinema Evaluation Board (CEB). Alas-sais ng gabi ang naging call time para sa mga press na dadalo sa premiere night ng I.T.A.L.Y. noong Linggo, September 14, sa SM Megamall. Nasa Megamall na kasi ang karamihan ng mga artistang kasali sa pelikula ni Mark Reyes para sa live broadcast na kinober ng Showbiz Central, kung kaya't pinag-early dinner na rin ang mga artista at mga press sa Italianni's restaurant sa ground floor ng nasabing mall. Nandoon na sina Jolina Magdangal, Rufa Mae Quinto, Mark Herras, Eugene Domingo, at Rhian Ramos; pati na rin ang mga ibang artista na may special participation sa pelikula tulad nina Chariz Solomon at Edgar Allan Guzman. Nandoon din ang boyfriend ni Jolina na si Bebong Muñoz na may "introducing" part pala sa pelikula at si Adel Tamano, spokesperson ng opposition at nag-artista na rin noong isang taon sa pelikulang Katas ng Saudi nina Jinggoy Estrada at Lorna Tolentino; may gagawin din palang pelikula si Adel para sa GMA Films. Late na nang dumating si Dennis Trillo, na may inuna munang lakad kaya hindi na siya masyadong na-interview ng mga press dahil pinaakyat na lahat sa sinehan. Bago dumating si Dennis, napatingin ang maraming press sa pagpasok ni Juddah Paolo, dating miyembro ng Star Magic ng ABS-CBN, at inakala na kasama sa pelikula. Nagkataon palang doon kakain ang pamilya niya at nagulat pa siya sa dami ng press na nandoon kung kaya't nag-iba na lang sila ng restaurant. Nang nakapasok na ang halos lahat ng press sa Cinema 9, puno na ang taas at ibaba. Okupado ng mga fans ang De Luxe section at naka-ready ang kanilang mga posters at tarpaulins para sa kanilang mga idol. Pinakamarami ang mga fans club ni Jolens at susunod si Mark. May nakita rin kaming tarpaulin para kay Dennis at pati na rin si Rufa Mae. Nasa premiere din ang mga konektado sa Kapuso Network 'tulad ng mga production managers na sina Rams David at Hazel Abonita, executive producer na si Helen Sese, at associate producer na si Michelle Borja. Unang nagsipasukan sa sinhena ang mga artista ng GMA-7 na hindi kasama sa pelikula at pinagkaguluhan din âtulad ng magkasamang Raymond Gutierrez at Bubbles Paraiso, si Iza Calzado kasama ang boyfriend niyang si Jerry Garcia, at sina Yasmien Kurdi at Dingdong Dantes na parehong solo na dumating. Namataan din namin sina Direk Joyce Bernal at John "Sweet" Lapus. Nang nagsipasukan na ang mga cast, kasama nila si Marvin Agustin na isa rin sa nakatanggap ng malakas na sigawan. Sa opening credit ng pelikula, may special participation pala siya rito na hindi kailanman na-announce. Malugod na tinanggap ng audience ang pelikula. Napakalakas pa rin ng hatak ng tambalang Jolens-Marvin na isa sa may pinakamalakas na hiyawan sa bandang huli ng pelikula. Pinatunayan nina Jolens, Rufa Mae, at Eugene na kagat ng audience ang kanilang magkakaibang klase ng pagpapatawa. Lumutang ang pagiging leading men nina Dennis at Mark sa pelikula. Kung nangingibabaw man ang mga hindi magagandang balita kay Rhian, hindi mapapagkaila na bukod sa ganda ng rehistro sa screen ay marunong talaga itong umarte. Martes ng hapon, September 16, nakatanggap ng balita ang PEP (Philippine Entertainment Portal) mula kay Noel Ferrer ng GMA Films na binigyan ng grade na B ng CEB ang I.T.A.L.Y. for it's "positive values and highly entertaining story." Bukas, September 17, ang opening ng pelikula. - Philippine Entertainment Portal