ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Burglars take P10M from Alfie Lorenzo


Tinatayang sampung milyong piso ang halaga ng mga nanakaw mula sa talent manager-entertainment columnist na si Alfie Lorenzo nang pasukin ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang kanyang bahay noong September 28. Ayon sa ulat ni Vinia Vivar sa People's Tonight ngayon, Oktubre 6, kasalukuyan umanong nasa SOP si Alfie para samahan alaga niyang si Judy Ann Santos na nag-promote ng pelikula niyang Mag-ingat Ka sa...Kulam nang mangyari ang insidente. Base sa ulat, pinuntirya ng mga magnanakaw ang kuwarto ng talent manager, kung saan nalimas ang halos lahat ng mamahaling gamit, alahas, at pera niya. Ilang sa mga nakuha umano ay ang 15 gold wrist watches, 12 diamond rings na iba-iba ang hugis at sukat, anim na gold diamond necklaces, at tatlong pure gold diamond bracelets. Kasama rin sa nakuha ang isang Fujitsu laptop na nagkakahalaga ng P85,000, Apple laptop na may halagang P150,000, at bagong wi-fi cellphone na worth P50,000. Sa cash naman, iba't ibang uri ng currency ang nakuha ng mga magnanakaw. Kabilang dito ang 3,000 US dollars; 2,500 Euros; 1,100 British pounds; 5,000 Thai Baht; at 10,000 Hong Kong dollars. Sa piso naman, nakuha rin ang halagang P500,000 at ang laman ng isang donation box na may halagang P100,000. Natangay rin ng mga nanloob ang halagang P5,000 na dapat sana ay suweldo ng driver ni Alfie at ang P900 na pambayad sa mga diyaryo. Hindi rin nakalampas sa mga mata ng magnanakaw ang ilang gadgets ng kanyang apo na si John-John tulad ng laptop, camera, at Xbox. Pinaghihinalaan na eksperto ang gumawa ng naturang krimen dahil madali nitong nabuksan ang safety vaults at tanging screw driver naman daw ang ginamit na pambukas ng pinto sa kuwarto. Naisipan din umano ng mga nanloob na tanggalin ang koneksyon ng apat CCTV (closed-circuit television) recorder, sinira ang hard disc, at saka binasa ng isang inumin para hindi na magamit pa na pang-record. Bagama't nanlumo sa mga pangyayari, nagpapasalamat pa rin si Alfie na naging maayos ang kalagayan nila ng kanyang apo. Gayundin, pinagpapasa-Diyos na lamang niya ang mga gumawa nito. Dagdag pa ng talent manager, kahit papaano daw ay nakatulong pa siya. - Philippine Entertainment Portal