PEP: Cristy Fermin talks about her suspension
Dalawang araw pagkatapos ibaba ng ABS-CBN ang desisyong pagsuspinde sa mga kontrata ni Cristy Fermin sa TV at radio ay isiniwalat niya sa kanyang mga column sa tatlong tabloids na lumabas ngayong araw na ito, October 17. Ang mga nabanggit na tabloids ay ang Bulgar ("Most Wanted"), Balita ("Crispy Cristy"), at Pilipino Star Ngayon ("Showbiz Mismo"). Matatandaang noong Miyerkules, October 15, ay inansiyo sa TV Patrol World ang suspension ni Cristy sa showbiz talk show ng ABS-CBN na The Buzz at sa radio program niya sa dzMM na Showbiz Mismo. Ang suspension kay Cristy ay magtatagal hanggang December 31, 2008, na siya ring huling araw ng kanyang kontrata sa Kapamilya network. Ipinataw ang suspension kay Cristy dahil sa mga pahayag niya sa The Buzz noong October 5 laban sa dating aktres na si Nadia Montenegro, partikular na ang pagdamay ng TV host sa mga anak ni Nadia na wala namang kinalaman sa kontrobersiya. Sa kolum ni Cristy sa Bulgar ay sinabi niya na nakatanggap siya ng memo mula sa ABS-CBN noong October 8, Wednesday. "Binigyan nila kami ng beinte-kuwatro oras para sagutin ang nilalaman nun, kailangan naming ipaliwanag ang mga dahilan kung bakit hindi maaaring masuspinde o mabigyan ng terminasyon ang aming kontrata sa istasyon," saad ni Cristy sa kanyang kolum. Aniya pa, sinagot niya ang naturang memo at ipinagtanggol niya ang kanyang sarili. "Pero ang mga ibinigay naming katuwiran ay hindi pa rin sumapat sa panlansa ng mga ehekutibo ng network," dagdag ni Cristy. Kinumpirma rin ni Cristy ang naisulat dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na pagkatapos ng kanyang radio show na Showbiz Mismo noong Miyerkules ay ipinatawag siya ng managing director ng TV production ng ABS-CBN na si Ms. Cory Vidanes. Dagdag ni Cristy, kasama nilang nag-usap ang production unit head ng The Buzz na si Mr. Louie Andrada. Sinabi rin ni Cristy sa kanyang kolum na pumasa naman daw sa network ang isinagot niya sa mga akusasyon ni Nadia habang nasa Canada siya. "Pero ang pagsalat namin sa mga anak nito ang nilabag namin sa polisiyang pinaiiral nila sa network," saad ni Cristy. Nilinaw raw ni Ms. Vidanes kay Cristy na hindi si Nadia ang dahilan ng kanyang suspensiyon kung hindi ang paglabag niya sa pinirmahang niyang kontrata. Ayon kay Cristy, nirerespeto at naiintindihan niya ang desisyon ng ABS-CBN. Pero sinabi rin ni Cristy kay Ms. Vidanes na pinaninindigan niya ang mga pahayag niya sa The Buzz noong October 5. "Wala kaming babawiin sa mga pahayag na pinakawalan namin, dahil yun lang sa aming opinyon at pananaw ang kalapat na gamot sa malalim na sugat na ginawa sa amin ni Nadia nung September 28 habang wala kami rito sa Pilipinas para idepensa ang aming sarili," lahad ni Cristy. Matatandaang isang linggo bago nagsalita si Cristy ay live na nag-guest si Nadia sa The Buzz noong September 28. Sa interview sa kanya ni Boy Abunda ay binuweltahan ni Nadia si Cristy dahil sa mga isinulat nito sa kanyang mga kolum laban sa kanya. Habang ini-interview si Nadia ay nasa Canada naman si Cristy. STRIKE TWO. Isiniwalat din ni Cristy na hindi na siya kumportable sa The Buzz. Paliwanag niya, "Dalawang beses na kasi kaming nabinira ng mga panauhin sa programang naturingang host kami, kaya hindi na kami makapapayag na mapangatuluhan pa yun." Bago ang pagsasalita ni Nadia laban kay Cristy sa The Buzz noong September 28 ay nag-guest si Annabelle Rama sa showbiz talk show ng ABS-CBN noong April 6 kaugnay ng libel case na isinampa ni Annabelle laban kay Cristy. (Click here to read related article.) Pagkatapos ng interview ni Annabelle sa The Buzz ay nagpadala raw ng sulat si Cristy sa mga namamahala ng programa na sina Roxy Liquigan at Louie Andrada. Nakasaad sa sulat na hindi na raw sana maulit pa "ang kairesponsablehang ito sa sinumang karugtong ng pusod ng The Buzz, direkta man o hindi sadya, para maisigaw pa rin natin nang may konbiksiyon ang salitang KAPAMILYA." Pero gaya nga ng nabanggit, pakiramdam ni Cristy ay naulit ito sa panayam ni Nadia. Pero inamin naman ni Cristy na nagpaalam sa kanya ang pamunuan ng The Buzz sa pamamagitan ng text message noong nasa Winnipeg, Canada siya. "Pero may habilin kami sa kanila na pakialalayan ang panayam para sa aming proteksiyon bilang host ng programa." Hindi rin itinago ni Cristy ang kanyang sama ng loob nang magharap sila ni Ms. Vidanes at Louie. Ipinaliwanag din ni Cristy kung bakit pati ang kanyang radio program na Showbiz Mismo ay nadamay sa pagkakasuspinde sa kanya samantalang hindi naman daw siya nagsalita ng anuman tungkol kay Nadia pagkatapos ng kanyang pahayag sa The Buzz. Ayon daw kay Ms. Vidanes, may nilabag daw si Cristy sa provision ng kontrata niya sa ABS-CBN kaya ang kontrata niya sa The Buzz at sa Showbiz Mismo ay sinuspinde. Inulit daw ni Ms. Vidanes kay Cristy na hindi si Nadia ang dahilan ng kanyang suspension. Hindi rin daw sila nakikinig sa "mga sulsol at dikta" at sila (pamunuan ng ABS-CBN) ang nagbigay sa kanya ng suspension. Sa huli humingi ng paumanhin si Cristy "sa kung saan man at kung anumang dahilan man kami lumabas at kumulang." Nagpasalamat din siya sa ABS-CBN. "Tuloy ang buhay, patuloy pa rin ang ikot ng mundo, maliit lang ang kahon showbiz na aming ginagalawan. Kapag ang mga emosyon ay humupa na, kapag ang mga tanong ay nasagot na, tatawanan na lang naming lahat ang senaryong ito," huling pahayag ni Cristy sa kanyang kolum. - Philippine Entertainment Portal