ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Rufa Mae Quinto still enjoying singlehood


By this time, nakatapos na ng isang pelikula si Rufa Mae Quinto para sa kanyang sariling On-Q 28 Productions, na co-production ng Viva Films, ang Like A Virgin (dating Civil Status: Single). Nag-umpisa na rin siya para sa 2008 Metro Manila Film Festival entry na ihahabol sa Disyembre, ang Desperadas 2. Proud si Rufa Mae sa kumbinasyon ng mga artistang kasama niya sa Like A Virgin, at kung i-describe niya ang mga ito ay "the next important heartthrobs"—Alfred Vargas, Mark Bautista, Jon Avila, at Paolo Contis. "Si Alfred, let's face it, isa siya sa pinakamahusay, if not the best, among his contemporaries," sabi ni Rufa Mae. "Pagdating sa drama, number one si Alfred para sa akin. "Si Mark Bautista, balladeer na artista. Aminin nating pupuwede talaga siyang maging leading man. Nagsu-soap opera rin siya. Parang kokonti lang yung katulad ni Mark, o nag-iisa lang siya sa ganoong level. "Si Jon, pinakabagong guwapo na may future. May future daw, o! Bagay yung role niya sa movie dahil he plays the role of a bartender na galing sa ibang bansa. Mayaman ang role ni Jon, nag-stay lang siya sa Manila at nagtrabaho para lang gumimik at uminom. Parang ganoon." Tiyak na matutuwa rin ang marami sa portrayal ni Paolo Contis sa Like A Virgin, na nakatakdang ipalabas next year pa. "Isa si Paolo sa mahuhusay, mapa-drama or comedy. In this movie, he plays the role of a gay na may lover na model. Kaya enjoy itong movie na ito at puno ng katatawanan," sabi ni Rufa Mae. Pawang mahuhusay ang suporta ni Rufa Mae sa nabanggit na pelikula. Gumaganap din bilang mga kaibigan niya rito sina Mylene Dizon, Angelu de Leon, Desiree del Valle, at LJ Moreno. "Sa istorya kasi, lahat sila, nakapag-asawa na; ako na lang ang hindi. Kaya nga virgin pa ako!" at saka napabungisngis uli siya. "Thirty years old na ako sa movie na 'yan na parang naha-harass sa paghahanap ng mapapangasawa," dugtong niya. RUFA MAE AS A SINGLE WOMAN. Sa tunay na buhay, nakaka-relate ba si Rufa Mae sa role niya since hindi pa rin naman siya lumalagay sa tahimik? "Nakaka-relate ako in such a way na sa tunay na buhay, hindi ko naman kailangang i-pressure ang sarili ko. Oo nga, hindi na rin ako bumabata, pero I don't need to rush. Yung character ko sa movie, pumipili siya ng matino. Sa tunay na buhay, I don't want to settle with someone na hindi ko nakikita ang sarili ko na magiging masaya at kuntento sa piling niya, di ba? "I've been a good person pa rin, kahit ano'ng sabihin ng iba riyan. Wala naman akong in-echos nang bonggang-bongga. It's my choice na rin to do everything as much as I could. Yun kasi ang makakapagpasaya sa akin na habang kaya ko pa at may maibibigay pa, gagawin ko na," paliwanag ng sexy comedienne. As a single woman, enjoy pa rin si Rufa Mae sa estado niyang nabibili pa rin ang gusto niya, nagagawa kung ano ang maibigan niya. "Hindi madali," pag-amin niya. "Naiisip ko na rin yung paglagay sa tahimik, pero parang hindi pa rin. Nasanay na ako ng ganito. Masaya naman ako. Marami pang puwedeng gawin. Gusto ko pang magbasa ng mga libro, movies na gustong panoorin. Gusto ko pang gumawa ng maraming pelikula, 'tapos yung business ko pa. "Hayan nga't nagsimula na ako sa Desperadas na inumaga na ako sa set, kaya paano mo isisiksik ang lahat ng 'yan na gusto kong gawin? Maiisip ko pa bang mag-asawa sa ganitong situwasyon?" Ngayon pa lang inaani ni Rufa Mae ang pinaghirapan niya ng mahigit 14 years. "Kahit naiisip kong marami na akong napaligaya, marami na akong napatawa sa mga ginawa ko, o naka-inspire man ako, gusto ko pa ring magpatuloy. Magagawa ko rin siguro 'yan kapag nag-asawa ako. Pero mas malaya kong magagawa ang lahat kung single pa rin ako. "Nag-e-enjoy ako na nakapagpapaligaya ng mga tao. Makatulong hangga't kakayanin ko. Ibinabalik ko lang yung ibinigay ng industriya sa akin, kasi dito na ako lumaki. Kaya bago mabawasan ang oras ko para sa pagpapamilya, habang may pagkakataon pa, itinotodo ko na," pagwawakas ni Rufa Mae. - Philippine Entertainment Portal