ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Iwa Moto hopes current boyfriend is 'the one'


Palaging napagkakamalan na ang tattoo sa batok ni Iwa Moto ay ang pangalan ng kanyang boyfriend na si Michael Ablan dahil "Mickey" ang nakatatak dito. Pero ilang beses na ring ipinaliwanag ng aktres na wala pa sa buhay niya ang boyfriend niya ngayon, naka-tattoo na yun sa kanya dahil ito ang pangalan ng kanyang kapatid. Nagkataon lang daw talaga na Mickey rin ang palayaw ng boyfriend niya ngayon. Hindi itinatanggi ni Iwa na mahal niyang talaga at nararamdaman din naman niyang mahal na mahal din siya ni Michael. "Mabait siya, hindi siya yung typical guy na sex lang ang habol. Siya, hindi," sabi ni Iwa sa panayam sa kanya ng PEP kagabi, November 11, sa Studio 5 (dating Studio 3) ng GMA Network Center. Hindi pa naman daw nila napag-uusapan ang kasal at hindi pa rin naman daw siya inaalok ng kasal ni Michael. "Hindi pa nga, e!" tawa ni Iwa. "Pero siyempre, kung sakali man alukin niya ako, hindi pa rin. Magwa-one year pa lang kami at saka kailangan ko pang magtrabaho. Masaya naman ako sa trabaho ko, masaya rin naman kami kahit ganito lang kami. At saka, I have to work for my family. Sabi ko nga sa kanya, kung magpapakasal ako, hihinto ako sa pagtatrabaho at kailangan buhayin mo kami!" Pero aniya, "Sana, siya na. I'm hoping na sana, kami na. Kung hindi man, gusto ko na maging magkaibigan kami." IWA, THE VILLAINESS. Kasama si Iwa sa bagong fantaserye ng GMA-7, Luna Mystika, kung saan gaganap siya bilang kontrabida ni Heart Evangelista. Mukhang dire-diretso na ang pagiging kontrabida ni Iwa. "Opo nga, e, kasi in need daw ang GMA ng kontrabida!" biro ng StarStruck 3 First Princess. Masaya ba siya na nalilinya na talaga siya sa mga kontrabida roles? "Yes!" bulalas niya. "Very happy, siyempre may trabaho. Mahirap kasi ngayon ang buhay kaya kahit na ano ang ibigay sa akin, tatanggapin ko." Ayon kay Iwa, nararanasan na raw niya ang galit sa kanya ng mga manonood. "Dati pa talaga, Magdusa Ka pa lang, may kumukurot sa akin. Nasa mall ako noon, matanda siya. E, ang sama-sama ng tingin niya sa akin. Ang ginawa ko, nginitian ko. Tapos, biglang sinabi sa akin na ang sama-sama ko raw, inaaway ko raw si Katrina [Halili]. Parang ako, ‘Ho?' So, ako, ‘Peace! Akting lang po yun.' Actually, hindi ko alam kung nagbibiro lang ba siya or seryoso!" natatawa niyang kuwento. Hindi ba siya naaapektuhan kapag may mga ganoong reaction ang mga tao sa ginagawa niya? "Masaya nga ako, e. Masaya ako dahil ibig sabihin lang no'n, effective yun," ani Iwa. IWA'S FATHER. Biglang nagseryoso si Iwa nang kumustahin ng PEP sa kanya ay ang kanyang amang maysakit. "Masama," malungkot niyang sabi. "Tinaningan na po siya na mawawala na siya, baka hanggang December na lang daw po. Na-discover kasi, stage four na ang cancer niya. Tapos yung liver cancer niya, kumalat na, naging bone cancer na rin." Hanggang ngayon, wala pa rin daw ideya ang Japanese father ni Iwa na may taning na ang buhay nito. "Walang makapagsabi sa kanya. Hindi namin kaya. Alam niya lang na may sakit siya, alam niyang may cancer siya. Pero hindi niya alam na tinaningan na siya hanggang December. "Sabi niya nga nang mag-usap kami—may nagta-translate lang sa akin—sana raw, bigyan pa siya ng two years ni God. Kasi raw, nararamdaman niyang naghihirap na siya nang unti-unti. Nahihirapan na raw siya, pero sana raw bigyan man lang siya ng two years para man lang makasama pa raw niya kami," kuwento ni Iwa. Sinabi rin ni Iwa na masakit talaga na alam mo na anumang oras ay puwedeng tuluyan nang mawala ang daddy niya, na kailan lang niya nahanap pagkatapos ng mahabang panahon na hindi sila nagkita. "Actually, hindi ko na lang po iniisip," sabi ni Iwa. "Masakit, e. Masakit kapag palagi kong iniisip. Mas maganda pa yung, ‘Puwede ba na kalimutan ko muna yung mga nangyayari?' Yung ganoon. Mahal na mahal ko ang dad ko. Kahit sinong anak, hindi matatanggap na mawawala ang ama niya." Dagdag niya, "Hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. That's why, ayokong isipin na binigyan siya ng taning. Para sa akin, mabubuhay siya." - Philippine Entertainment Portal

Tags: iwamoto