ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Himala tribute held at Titus Brandsma


"Walang Himala! Ang himala ay nasa puso ng tao... nasa puso nating lahat!" minsan pang umalingawngaw ang tinig ni Elsa (Nora Aunor) sa harap ng taumbayang naging saksi sa mga kamangha-manghang kaganapang nasa kaibuturan ng masalimuot na kuwento ng Himala (1982), ang klasikong pelikula ni Ishmael Bernal, Pambansang Alagad ng Sining. Wala si Nora Aunor sa special screening ng pelikula, sa Titus Brandsma Media Center (sa New Manila, Quezon City), noong Nobyembre 22. Pero sa pamamagitan ng ginampanan niyang tauhan na si Elsa, ang babaeng umano'y nakakakita ng aparisyon ng Mahal na Birhen, ang kaukulan ng palatuntunan upang muling sariwain sa alaala at bigyang-pagkilala ang mga naging bahagi ng isang dakilang obra ay higit pa sa sapat. Sa tribute na ibinigay para sa Himala cast at iba pang naging bahagi ng produksiyon, nakarating ang siyam na importateng kabahagi ng pelikula: Richard Arellano, dating child actor, gumanap bilang palaboy na namatay nang magkaroon ng epidemyang cholera; Spanky Manikan, bilang si Orly, ang docu-filmmaker; Ellen Ongkeko, bilang village prostitute; Racquel Villavicencio, production designer; Vangie Labalan, nanay ni Elsa; Ricky Lee, ang story/screenwriter; Ama Quiambao, bilang Sepa, ang panatiko ni Elsa; Trina Dayrit, supervising producer, at Bb. Imee Marcos, producer/director-general ng Experimental Cinema of the Philippines (ECP). Masaya ang lahat sa open-forum, matapos ang maikling invocation at keynote address ni Fr. Rico Ponce, tagapamahala ng Titus Brandsma, kasunod ng screening ng Himala. Nagkakaisa ang isipan nila, sa kahalagahan ng pagkilala sa Himala--matapos ang dalawampu't anim na taon, ay tila isang "himala" ang patuloy na nagaganap, na lalong nagpapatibay sa katotohanang isang klasiko ang obra ni Bernal. Bilang production designer, ang Himala ang huling pinamahalaan ni Racquel Villavicencio. Pinanood muli ni Villavicencio ang kabuuan ng pelikula at aniya'y hindi niya mapigilan ang maluha. Nagbalik ang mga alaala ng tuwa at dusa (karamiha'y dusa) sa naging pagtanggap at aktuwal na pagta-trabaho niya, para kay Bernal, na nakaaway niya noon. "Maraming tarayan, talakan, at awayan [sa set]. Mahirap ang naging trabaho namin...pero lagi nang kailangan natin ng mapanghahawakan," makahulugang pagtatapat ni Vangie Labalan, na gumanap bilang ina ni Nora, sa panahong hindi pa siya kilalang artista sa pelikula. Sa kamangha-manghang stampede scene, matapos mag-deklara ng moratorium sa panggagamot at mabaril si Elsa, ang faith healer, pinupuri naman ni Spanky Manikan ang aniya'y naiibang crowd scene ng pelikula. Nagbigay-kredito rin siya sa naging crowd director ng pelikula, si Joel Lamangan, isa na ring premyadong direktor sa pelikula. Natutuwa man sa tagumpay ng Himala, hindi nababawasan ang pagkilala ni Manikan sa iba pang film masters (Akiro Kurosawa, Wong Kar Wai, atbp.) na kabilang ang mga obra sa sampung pinagbotohan sa CNN Viewing Room kamakailan. Bilang si Orly noon na isang atheist (non-believer in God), si Spanky Manikan ay may reserbasyon ukol sa pilian ng "the best." Mula sa pagiging child actor, lumaki rin sa industriya ang batang si Richard Arellano na ngayo'y isa nang indie filmmaker. Ang gumanap namang nanay Sepa niya, si Ama Quiambao, ay nagkaroon ng pamangkin (Miriam Quiambao) na naging Miss Universe-First Runner-Up noong 1999, labimpitong (17) taon matapos ipalabas ang Himala. Kasamang dumalo ni Ama Quiambao sa special tribute ang asawang singer at aktor na si Gamaliel Viray. Tulad nina Racquel V., Vangie L., Ama Q., pumalaot din sa pag-arte ang nagsimulang bit player sa Himala na si Ellen Ongkeko. Ngayon, bilang Ellen Ongkeko-Marfil, isa na siyang accomplished producer-director na kilala bilang director ng Cinemalaya 2008 entry na Boses. Back then (early '80's), ayon kay Trina Dayrit, Himala cost a staggering P2.7 million to produce; halaga iyon ng 3 o 4 na karaniwang pelikula (may P600,000 budget). Sa ngayon, ang karaniwang indie o independent digital movie project ay ginagastusan naman ng isa o dalawang milyon. Sa tribute, wala rin ang soundman (Vic Macamay), musical scorer (Winston Raval), editor (Ike Jarlego, Jr.), cinematographer (Sergio Lobo), sampu ng iba pang importanteng nasa cast: Gigi Duenas (Nimia), Laura Centeno (Chayong), Pen Medina (Pilo), Veronica Palileo (Mrs. Alba), pati minor players, tulad nina Jim Pebanco, Cesar Dimaculangan, ang gumanap na Chua (mayamang Intsik) na napatay at may kakambal,ang gumanap na kaibigan ni Pilo, ang debotong posturyosa, ang mga may kapansanan, ang hepe ng pulisya, ang baliw na namatayan ng anak, ang matandang bulag at dalagitang ibinugaw, ang mga addict na nan-rape kina Elsa at Chayong, ang panatikong bumaril kay Elsa, at ang buong taumbayan ng Ilocos Norte province (kabilang sa libu-libong extras). Wala na rin ang director na si Ishmael Bernal (namatay siya noong 1996), pero ang pangalan at alaala niya'y immortalized sa mga ginawa niyang pelikula, lalo na para sa pelikulang ito na pinili bilang Best Asia-Pacific movie of all time. Himala was a production ng isang ahensiya ng gobyerno, ang Experimental Cinema of the Philippines (ECP), with then presidential daughter Imee Marcos as director-general. Si Ms. Charo Santos-Concio (na ngayon ay president ng ABS-CBN) ay isang ring executive producer ng pelikulang ito. Ayon kay Imee Marcos, napasimulan at natapos ang Himala sa loob ng tatlong buwan; maraming pagtutol siyang narinig (laban sa gustong maging bidang aktres ni Ricky Lee na si Nora Aunor), binagyo ang shooting, naaksidente si Nora, at malamig ang naging pagtanggap ng mga kritiko at ibang taga-industriya nang mai-preview. Na nanalo ito ng maraming parangal sa Metro Manila Film Fest '82 ay simula lamang ng naging vindication ng Himala. - Philippine Entertainment Portal