ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Dennis Trillo admits he is afraid of ghosts


Isa sa mga napag-usapan sa solo presscon na ibinigay ng Regal Entertainment para kay Dennis Trillo, kaugnay ng horror film nila ni Marian Rivera na Tarot, ay tungkol sa kanyang pagiging single muli. Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Dennis kung kumusta ang buhay ng isang single. "Masaya, sarili ko po ang oras ko," nakangiting tugon ni Dennis. "Mag-isa lang po ako sa condominium unit ko. Wala akong maid, ako ang naglilinis ng bahay ko. Hindi ako marunong magluto. Kung nasa bahay ako, nag-o-order lang ako for delivery. Siya rin daw ang naghahanda ng sandwich for his breakfast kung medyo late na na siyang aalis. “Hindi ko rin naman problema ang laundry. May laundry shop kasi sa ibaba ng condominium. Pini-pickup na lang nila ang ipapa-laundry ko at inaakyat nila kapag tapos na." Pero paano kapag natutulog sa kanya ang anak niyang si Calix Andreas kay Carlene Aguilar? "Umuuwi kami sa bahay namin sa Marikina para may katulong akong mag-alaga kay Calix. Ang likot na kasi niya ngayon," paliwanag ng aktor. AFRAID OF... Saan nga ba mas takot si Dennis—sa babae o sa multo? "Masarap pong tingnan ang mga babae, nakakatakot po ang multo," natatawang sagot niya. "Pero siguro dahil takot ako sa multo, wala namang nagpapakita sa akin." Wala rin daw siyang problema sa mga ex-girlfriends niya kaya wala siyang ikinakatakot sa kanila. Ayaw din raw niyang mag-isip pa ng negative things dahil mas maganda na ang nangyayari sa buhay niya ngayon. CRISTINE REYES. Alam ba niyang may idini-date na ngayon ang ex-girlfriend niyang si Cristine Reyes na umano’y ang basketball player na si Wesley Gonzales? "Wala na po kaming communication," sabi ni Dennis. "Kung totoong may idini-date siya, okay naman 'yon. Mabuti na po itong tahimik na lang kami. Baka kung mag-usap kami uli, baka may di pa magandang mangyari. Gusto ko na pong ipahinga kung anuman ang nangyari sa amin. Sa akin, past is past na." Gaano katotoo na dahil very close si Cristine sa mommy ni Dennis, ito raw ang ginamit ng sexy actress para magkabalikan sila? "Totoong close sila ni Mommy, pero hindi po umabot sa point na gamitin niya 'yon para magkabalikan kami ulit. Kilala naman po ako ng mommy ko," sagot ng aktor. PAULEEN LUNA. How about Pauleen Luna, na balitang bago niyang girlfriend? "We are close, nagdi-date kami, pero hindi ko pa siya girlfriend," paglilinaw ni Dennis. "Pero kahit matagal na kaming magkakilala ni Pauleen, ngayon ko pa lang siya talaga nakikilala. Marami pa akong nalalaman sa kanya dahil magkasama nga kami sa Adik Sa 'Yo." Hindi ba sila nagkakailangan ni Marvin Agustin sa taping ng Adik Sa 'Yo dahil naging sina Marvin at Pauleen noon? "Wala naman pong ganoon," aniya. "Mabait si Marvin at magkasama rin kami sa SOP every Sunday at wala kaming problema kahit sa taping ng Adik Sa 'Yo." CARLENE AGUILAR. What about Carlene Aguilar na ina ng kanyang anak na si Calix? Napag-uusapan ba nila ang kani-kanilang lovelife? Nag-a-advise o nagku-comment ba siya kapag nagkukuwento si Carlene? "Hindi po namin pinag-uusapan talaga. Tungkol lang kay Calix ang pinag-uusapan namin. Minsan, nagkukuwento siya at nakikita ko namang masaya siya. Ako rin, kung minsan, naikukuwento ko sa kanya kung sino ang kasama ko. Hindi ako nagku-comment. Siguro advice lang kung humihingi siya dahil siya pa rin naman ang masusunod kung ano ang gusto niya," paliwanag ni Dennis. - Nora Calderon, Philippine Entertainment Portal