ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Dingdong Dantes, friends distribute food, relief goods


Abalang-abala ang mga artista nitong weekend, kabilang na rito si Dingdong Dantes. Sa kalagitnaan ng hagupit ng bagyong si Ondoy noong Sabado (Sept 26), halos hindi maistorbo ang lead star ng Stairway to Heaven dahil sa pangangalap nito ng relief goods at anumang tulong na puwedeng maipamahagi ng Yes Pinoy Foundation, na inilunsad niya nitong nakaraang buwan. Gamit ang social networking site na Facebook, nag-usap-usap ang mga malalapit na kaibigan ng aktor para makabuo ng isang grupo ng volunteers na magbibigay ng donations sa mga nasalantang lugar. Kahapon, ang staff members at volunteers ng YES Pinoy Foundation—kasama ang Pasig NGO's 3rd technical service battalion Philippine Marines at Barangay Manggahan, Pasig—binuo ang "Tindig Pinoy Laban Kay Ondoy," isang relief center sa covered court na katabi ng barangay hall. Nagsimula ang pamamahagi ng mga goods at pagpapakain ng merienda sa flooded areas ng Napiko, Barangay Manggahan. Pagkatapos, dumiretso sila sa mismong barangay hall para sa isa pang feeding activity. Nagbahay-bahay din si Dingdong at ang kanyang mga kasama sa lugar na hindi makalabas ng tahanan ang mga residente para makapagbigay ng makakain. Sinubukang tawagan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang Kapuso star kagabi para kumustahin ang kanyang relief operation, pero hindi siya makontak dahil walang cell phone signal sa lugar na pinuntahan ng kanyang grupo. Ang kanyang manager na si Perry Lansigan ang sumagot ng aming tawag. Ayon dito, nagpaluto raw si Dingdong ng kanin at mga ulam para ipamigay sa mga biktimang nakulong sa kanilang tahanan ng ilang araw. Nakiusap din daw ang kanyang alaga na kanselahin ang kanyang mga appointment para makapag-focus siya sa relief operation na in-organisa ng kanyang grupo. Bukod kay Dingdong, dumating din daw na sakay ng kanilang mga bike ang iba pang artista na tumulong din nang personal sa Yes Pinoy para mamahagi ng relief goods—sina Dennis Trillo, Antonio Aquitania, Gabby Eigenmann at John Feir. Less than 3,000 beneficiaries ang napakain at nabigyan ng relief goods. At nakakatuwang isipin, nagkakaisa ang halos lahat, artista man or ordinaryong tao, para madamayan ang mga nangangailangan ng tulong. – Rose Garcia, PEP