ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Susan Roces says GMA 7's Sana Ngayong Pasko a gift from heaven


Ilang linggo lamang ang itatagal ng kauna-unahang ChristmaSerye ng GMA-7 na Sana Ngayong Pasko. Tinatampukan ito ni Queen of Philippine Movies Ms. Susan Roces, kasama sina Christopher de Leon, Gina Alajar, Dante Rivero, TJ Trinidad, JC de Vera, Maxene Magalona, JC Tiuseco, Ynna Asistio, at Jacob Rica. Magsisimula itong mapanood sa Telebabad block ng Kapuso network sa December 7. Sa grand launch ng Sana Ngayong Pasko nitong Martes (December 1) sa Studio 5 ng GMA Network, isang munting drama presentation ang ginawa ng buong cast. Base sa mga eksenang nasaksihan ng press na dumalo sa launching, wala sigurong hindi maaantig sa drama at kuwentong hatid nito, lalo pa't nagsimula ang kuwento sa pinsala na dulot ng bagyong “Ondoy." Malaki ang pasasalamat ni Ms. Susan na ang isang artista na nasa kanyang "senior year" na gaya niya ay nabibigyan pa rin ng maganda at challenging role. Hindi rin niya itinatanggi na na-miss din niya ang pag-arte. At naniniwala rin siyang hindi sila dapat nakatali sa network's contract or dispute. "For now, I need not be under contract and I feel very lucky, very fortunate that I can choose where to work with, where the nice project is," nakangiti niyang sabi sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press. Masaya rin siya sa role na ibinigay sa kanya bilang si Remedios, na nawalay sa kanyang pamilya sa loob ng 30 years at nagkaroon ng sakit na senile dementia. "Marahil kung bata-bata ako, mahirap maka-relate. Pero dahil ako ay ina na rin, lalo pa't lola na rin, nasa edad na rin akong ganito kaya madali para sa akin na maka-relate sa character ni Remedios. At lahat ng pinagdaanan niya, nakaka-relate din ako sa character ni Remedios sa mga pangyayari, hindi lamang sa buhay ko kung hindi sa buhay rin ng mga kaibigan ko, kamag-anak ko. There's a little bit of Remedios in all the people that I know," saad ng veteran actress. Nang yumao ang kanyang mister na si FPJ, naging aktibong muli si Ms. Susan sa showbiz at karamihan ng mga ginawa niyang proyekto ay sa ABS-CBN. Dahil sa pagpayag niyang gawin ang Sana Ngayong Pasko, ito na ba ang senyales ng paggawa pa niya ng iba pang projects sa GMA-7? "Well, sana," nakangiti niyang sabi. "Kahit na manawari ay magkaroon pa ng mga roles na babagay sa edad ko dahil hindi naman madali na dumating ang mga ganyan na role." Pero dagdag niya, "Kami ay kasalukuyan pang nagte-taping ng iba pang episodes, so we just really deal with it one at a time." REMEMBERING FPJ. In real life, limang taon na rin magmula nang yumao ang kabiyak ni Ms. Susan, ang King of Philippines Movies na si Fernando Poe Jr. Namatay si FPJ noong December 14, 2004. Intensiyon ba talaga ni Ms. Susan na maging busy sa ganitong panahon? "Ever since I lost my husband, I really make sure that I keep myself busy, not only in the month of December. It just became very obvious in the month of December because they often mention him [FPJ]. On the other hand, it's the whole year and I think it would be a lifetime. Missing him would be a lifetime, but missing him would not mean being sad. "You remember your loved ones, naaalala mo ang mga mahal mo sa buhay, hindi lamang sa pagiging malungkot. Naaalala mo sila dahil ikaw ay may ginagawa na productive. Marahil ito ay Pamaskong handog galing sa langit. Inaari ko na Pamaskong handog na galing sa langit dahil nagkataon na ngayong Pasko nangyari ang proyektong ito," pahayag ng kinikilalang Queen of Philippine Movies. THE QUEEN'S CHRISTMAS. Kung may mawi-wish siya ngayong Pasko, ano kaya yun? "Sana ngayong Pasko, lahat ng magkakagalit ay magkasundo-sundo. Magkaroon tayo ng maligayang Pasko. Hindi baleng kakaunti ang handa, hindi yun ang importante. Ang importante ay sana ngayong Pasko, maging masaya tayo kung anuman ang meron tayo. "From my personal experience, in my life, nagkaroon din naman ng hindi kagandahang panahon sa buhay ko. Salat na salat ang aming handa sa araw ng Pasko, pero naging masaya kami dahil magkakasama kami bilang pamilya. Hindi yung kung ano ang ihahanda mo. Sa hirap ng buhay ngayon, dapat talaga lahat tayo maging praktikal. Hindi lang naman sa araw ng Pasko ibubuhos mo lahat or sa araw ng Bagong Taon, meron pa namang ibang araw na dapat mong paghandaan. "Ang importante, dahil birthday ni Jesus, siya ang dapat nating bigyang galang at ang itinuro niya sa atin ay magmahal sa bawat isa at magkasundo-sundo. So, that's the best Christmas gift ang maibibigay sa isa't isa, ang maging masaya tayo sa araw ng pagsilang ni Hesus," paalala ni Ms Susan. Paano ba isine-celebrate ng isang Susan Roces ang Christmas? "Kami, ang celebration namin ng Pasko, katulad ng celebration ng lahat ng pamilya. Nagsisimba kami sa gabi ng Pasko, which is we go to six o'clock mass. Napaka-late na ng 12 o'clock dahil masyado nang aantukin ang mga bata. We have family dinner. Quiet lang naman ang aming Pasko. We see to it na lahat naman, merong bubuksan sa ilalim ng Christmas tree. At ang mahalaga, lalung-lalo na, maaala namin ang isa't isa," paliwanag niya. - Rose Garcia, PEP
Tags: rusanroces