Nirong January 25, nag-pilot ang bagong Sine Novela ng GMA-7 na Ina, Kasusuklaman Ba Kita?, pinagbibidahan ito ng mag-inang Jean at Jennica Garcia. Isa si Iwa Moto sa miyembro ng cast, bilang kapatid ng character ni Jennica. Bilang si Rosan, isa si Iwa sa mga kontrabida sa bagong series na ito. "Siyempre, kontrabida, what's new, ha ha ha!" natatawang sabi ni Iwa sa pakikipanayam niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal). Kumusta naman ang pakikipagtrabaho niya sa mag-ina? "Nakakaaliw katrabaho sina Ms. Jean at Jennica, dahil talagang todo. Like kung iyakan at sagutan, talagang pantayan talaga. Hindi sila nagpapatalo sa isa't isa. At lume-level si Jennica, in fairness to her," nakangiti pa niyang sabi. Bagama't kontrabida rin si Iwa sa isa pang GMA show na Darna, malaki naman daw ang kaibahan ng character niya roon sa ginagampanan niya ngayon sa
Ina.... "Iba, e... Kasi, balik na naman ako sa drama. At saka, naninibago 'ko. Yung taping namin, Quezon City, yung taping namin sa bahay. Nasanay ako sa kagubatan. Nasanay ako na may ahas," natatawa pa niya uling sabi. "Pero nakakatuwa kasi ang ganda ng story niya. At saka, gusto ko 'to, kasi, dedicated for my mom. Kasi, dito, naipapakita kung ano ang kayang gawin ng isang ina para sa pagmamahal niya sa isang anak. "Lahat ng paghihirap...lahat gagawin niya. Hindi naman masama si Ms. Jean dito, nagkataon lang na mahal na mahal niya ang anak niya, naging over-protective siya." Nakaka-relate ba siya sa ganun? "Hindi. Natutuwa lang ako dahil tungkol sa inang nagmamahal."
NOT MARRIED. Sa personal na buhay naman ni Iwa, tahasan nitong sinasabi na maligaya siya sa aspetong ito with her non-showbiz boyfriend na si Mickey Ablan. "Ang love life ko, masaya. Magtu-two years na kami," nakangiti niyang sabi. Once and for all, tinanong ng PEP si Iwa tungkol sa hindi mamatay-matay na isyu na ikinasal siya at ang kanyang boyfriend via civil wedding. Pero muli itong pinabulaanan ni Iwa. Aniya, "Hindi nga! Sige, bigyan n'yo ako ng katibayan na kinasal ako." Sinigurado namin sa kanya kung confident ba siya sa pagtanggi. Kung matatandaan kasi, matigas din sa pagtanggi noon ang dating PBB Housemate na si Wendy Valdez nang kumalat ang balitang kasal siyang talaga sa ka-housemate niya noon na si Bruce Quebral. Kalaunan, lumabas din ang totoo na kasal palang talaga ang dalawa. "Oo...confident ako," buong pagmamalaking sagot ni Iwa. Dugtong pa niya, "At saka, alam nyo po, ganito lang...sasabihin ko naman, e. Kagaya po ng pag-amin ko na may boyfriend ako. Aaminin ko kung ikakasal na kami. At siyempre, kung ikakasal na kami, yung tipong mala-Ciara Sotto, yung mga ganoon. Pero kung siya, 1940's [ang theme], ako siguro may pagka-modern, may pagka-futuristic ang bagay sa akin," bigla itong natawa sa sinabi. "O, di ba? Talagang nagplano na raw ako! Ha-ha-ha!" Happy na sila ng boyfriend niya kung anuman ang set-up nila ngayon? "Oo. One step at a time. Hindi dapat madaliin, bilang nag-e-enjoy pa kami ng ganito." Confident din ba siya na walang magbabago sa relasyon nila habang tumatagal? "Sana... sana... Pero, hindi natin alam kung ano ang mangyayari bukas. But definitely, I'm happy right now to be with him and I know, he's happy rin naman to be with me."
MORE DARING. At dahil nag-grace na rin nga sa FHM cover ang kasabayan niya sa
StarStruck na si Jackie Rice, marami ang nagtatanong kay Iwa kung kailan naman siya muling magko-cover girl? "Well, gusto ko kasing mag-surprise. Kung magbabalik man ako sa pagpapaseksi, gusto ko na may bago akong handa. Like ngayon sa
Darna, bumalik na 'ko at ang costume ko, medyo daring talaga." So, hanggang saan na ang pagpapaseksi niya, tila naudlot? "Hindi naman na-stop. Talagang walang time lang. At saka, gusto ko lang talaga na kung lalabas ako, yung talagang bongga!" pagtatapos ni Iwa. -
Rose Garcia, PEP