
Thanks for the laughter! Oscar Obligacion livened up Pinoy films and TV shows with his bouncy vibe. Noel Orsal, courtesy of PEP.
Pumanaw na ang isa sa mga haligi ng Pinoy entertainment, ang beteranong komedyante at TV host na si Oscar Obligacion. Namatay si Oscar sa edad na 86 noong Biyernes, Pebrero 26, sanhi ng kidney failure at kumplikasyon nito. Nakilala si Oscar sa mga bansag na "Pantarorong" at "Kumang." Isa siya sa mga sumikat na komedyante noong 1960s. Naging popular si Oscar nang maging host siya ng ilang programa sa telebisyon noong 1960s tulad ng
The Big Show ng Channel 11 at Oras ng Ligaya ng ABS-CBN, kung saan niya nakasama ang singer-actress na si Sylvia La Torre. Napakinggan din siya sa kanyang mga programa sa radyo gaya ng
Mr. Buy and Sell at ang hit na
Tuloy ang Ligaya. Nakagawa rin ng mahigit sa 100 na pelikula si Oscar na karamihan ay sa ilalim ng LVN Pictures, kung saan niya nakilala ang kanyang naging asawang si Myrna Quizon-Obligacion. Ilan sa mga pelikula niya ay ang
Bakit Ako Luluha,
Parola, and
Capas, all shown in 1949;
Korea with Nida Blanca noong 1952;
Walang Takot and
Alembong, both in 1958;
Tuko sa Madre Cacao (1959);
Tacio (1961);
Sakay and
Moy (1962);
Magtiis Ka Darling (1963);
Dolpinger Meets Pantarorong with Dolphy (1965);
The Jukebox Queen (1966);
Boogie (1981); at ang huling pelikula niyang nagawa na
Biyudo si Daddy, Biyuda si Mommy with Vic Sotto and Coney Reyes noong 1997. Nakasama naman ni Oscar si Myrna bago pa sila ikasal sa mga pelikulang
Luha at Musika,
Tumbalik na Daigdig, at
Itinakwil. Matapos mag-quit sa showbiz ay nanirahan na sila sa Amerika kasama ang kanilang mga anak. Napaulat na sa nagdaang mga taon ay sumailalim na si Oscar sa quadruple heart bypass surgery. May dalawa o tatlong buwan din siyang na-confine sa ospital kung saan siya sumailim sa dialysis. Sa interview ng
The Buzz sa asawa ni Oscar na si Myrna na ipinalabas kahapon, Pebrero 28, sinabi nito na, "Noong makita ko siyang hindi na humihinga, wala na, nag-hysteria na ako. Niyakap ko siya. Ako maski habang buhay aalagaan ko siya basta kasama ko siya." Tungkol sa pagiging komedyante ng asawa. Sinabi ng biyuda ni Oscar na, "Talagang inborn ang kanyang pagka-comedian. Napapatawa niya lahat ng mga tao kaya mahal na mahal siya." Pero higit sa pagiging komedyante ay isa ring maipagmamalaking ama at mapagmahal na asawa si Oscar. May pabaong mensahe pa si Myrna sa kanyang asawa. "I love you very much and I'm going to miss you. Ngayon pa lang nami-miss ko na siya talaga." Bukod sa kanyang asawa, naulila ni Oscar ang kanilang apat na anak, sampung apo at pitong great grandchildren. Na-cremate ang mga labi ni Oscar kahapon, February 28. Magkakaroon ng private viewing at memorial services sa Heritage Memorial Park sa Taguig City sa March 5, 6 at 7. -
Glen P. Sibonga, PEP