ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Camille Prats, Anthony Linsangan marry again in church


Sa wakas, matapos ang dalawang taong pagpaplano, naisakatuparan na rin ng aktres na si Camille Prats at asawang si Anthony Linsangan ang kanilang church wedding. Ikinasal na sa Santuario de San Antonio, McKinley Road, Forbes Park, Makati City, sina Camille at Anthony nitong Biyernes (March 5) dakong 3:00 pm. Nauna na rito, ikinasal sina Camille at Anthony sa Los Angeles, California noong January 5, 2008, ilang araw bago maipanganak ni Camille ang baby boy nilang si Nathaniel Caesar o Nathan. Pagkapanganak ni Camille kay Nathan, pinlano na agad nila ang pagpapakasal sa simbahan sa Pilipinas, pero hindi nga lang ito natuloy noong taong iyon. Tulad ng lahat ng gustong magpapakasal, isang maganda't ganap na pag-iisang dibdib ang hangad nina Camille at Anthony. At kahapon nga ay naisakatuparan na nila ang kanilang "perfect wedding." Nagsimula ang kasal bandang alas-tres ng hapon, matapos na maipuwesto ang lahat ng principal sponsors, secondary sponsors, bridesmaids, at groomsmen. EXTRAORDINARY WEDDING GOWN. Lumakad na ang ring bearer (na dapat sana'y si Nathan, kung di lang ito nakatulog), kasunod ang coin bearer, Bible bearer at flower girls. Pagkabukas ng malalaking pinto ng simbahan ay siya namang pasok din ng hangin sa loob na nagbigay ng magandang effect sa pagpasok ni Camille. Napahanga ang mga bisita't abay sa kasal sa magandang bagsak ng tela't kinang ng mga palamuting kristal sa Rajo Laurel wedding gown na suot ni Camille. Na-interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Rajo bago lumakad si Camille sa loob ng simbahan at natanong tungkol sa gown na ginawa niya para sa bride. "The dress is a little bit extraordinary because it's not your traditional white," simula ni Rajo habang inaasikaso pa ang final touches at pag-aayos sa gown nang suot na ito ni Camille patungong simbahan mula sa Makati Shangri-La Hotel. "It's a combination of different tones of gold, ivory and champagne...the whole bodice is actually quite intricate and took a long time to make, almost about three and half months. The crystals are all Austrian Swarovski, and they form a certain pattern. We wanted something almost fantasy in its inspiration. You know, befitting somebody like Camille who is princess-like," paglalarawan ni Rajo. Matatandaang noong 1995, sa edad na sampu ay ginampanan ni Camille ang role na Princess Sarah sa ABS-CBN show na Sarah ang Munting Prinsesa. "That's probably how I envisioned her [ang Princess Sarah character ni Camille] when she gets married!" patuloy pa ni Rajo. BIG NAME SPONSORS. Kabilang sa mga bigatin at kilalang principal sponsors ng kasalang Prats-Linsangan sina Sen. Juan Miguel Zubiri, Dr. Manny Calayan, Aga Muhlach, Direk Edgar Mortiz, ang manager ni Camille na si Arnold Vegafria, GMA VP for Entertainment Wilma Galvante, GMA Films president Atty. Annette Gozon-Abrogar, at ABS-CBN executive Cory Vidanes. Parehong hindi nakarating sina Sen. Zubiri at Ms. Vidanes sa kasal, kaya't nagpadala na lang ng proxy si Sen. Zubiri, kasama ang asawa niyang si Audrey, habang si Charlene Gonzalez-Muhlach naman ang nag-proxy para kay Ms. Vidanes. Kabilang sa groomsmen ang mga aktor na sina Marvin Agustin at Marco Alcaraz, habang sa bridesmaids naman ay kasama ang aktres na si Diana Zubiri at MYX VJ-TV host na si Iya Villania. Sina John Prats at Angelica Panganiban naman ang naatasang maglagay ng cord sa ikakasal. Dumating si Angelica sa simbahan suot ang naka-assign sa kanyang blue dress pero sa ilalim ng mahaba niyang dress ay naka-rubber shoes naman pala ito. "Para po class!" biro ni Angelica nang makausap ng PEP kung bakit naka-Vans na rubber shoes ito at hindi naka-heels o lady's shoes. "'Saka maliit kasi yung kasama ko," tukoy pa nito sa ka-partner niya sa cord na si John. Kinanta ni Kyla ang "I Don't Wanna Miss A Thing," na nagsilbing wedding march ni Camille papuntang altar. Ang family friend ng mga Prats na si Father Armand Tangi ang officiating priest. Ang Manila Sting Ensemble naman ang nag-akumpanya kay Kyla at sa mga wedding singers na sina Jemuel Victorino at Jazz Loremas. OTHER CELEBRITIES. Nakita rin sa simbahan ang pagdating nina Princess Violago, Ryan Yllana, Bianca King, Maxene Magalona, at Bubbles Paraiso. Sa reception sa Rizal Ballroom sa Makati Shangri-La Hotel sa Ayala, nakita naman sina Bryan Revilla, Jayson Gainza, Kaye Abad, Jay Contreras ng bandang Kamikazee at asawa nitong si Sarah Abad (na dati ring child star at halos kasabayan ni Camille sa pagpasok sa showbiz), model Mika Lagdameo, Jay-R, at Kris Lawrence. Seventy-three tables na may capacity na sampung katao bawat isa ang inilaan ng wedding coordinator na Bridesmaids & Co., para sa mga bisita. In-entertain muna ng Manila String Ensemble ang mga bisita habang sine-serve ang mga pagkain. Maya-maya pa ay pinakanta na uli si Kyla na naghandog ng dalawang awitin: "Make Me Whole" at "'Till They Take My Heart Away." Sumunod si Jay-R na "No One Else Comes Close" at "One Hundred Ways" naman ang kinanta. Pagkatapos ay naki-duet pa ang Philippine Prince of RnB kay Iya Villania sa sarili nilang version ng "Always" ng Atlantic Starr. Sa pagbibigay ng toasts para sa bride at groom, pawang pag-alala kung paano nabuo ang pag-iibigan nina Camille at Anthony at pagwi-wish ng magandang pagsasama ang inihandog ng mga kaibigan nila at nina Mr. Daniel Prats (daddy ni Camille) at Mr. Nicomedes Linsangan (ama ni Anthony). ANGELICA AND BRYAN ON THE SPOT. Nang dumating na sa parte ng wedding reception na "throwing of the bouquet" at "garter toss," sina Angelica Panganiban at Bryan Revilla ang mga nakuhang mag-participate para sa mga "consequence" ng mga larong ito. Bilang consequence ng garter toss, kailangang isuot ni Bryan sa hita ni Angelica ang garter. Nadidiyaheng isinuot ni Bryan ang garter sa hita ng natatawang si Angelica, habang panay ang pag-e-encourage naman ng wedding reception hosts na sina DJ Nicole Fonacier at DJ Francis Day. Pagkatapos ay kinailangan ding gawin nina Angelica at Bryan ang "sweet," "romantic," at "wild" kiss nina Camille at Anthony. Siyempre pa, hindi pumayag si Angelica. Nakisakay naman si Bryan na "sweet," "romantic," at "wild" hugs na lang ang ginawa sa lead star ng Rubi ng ABS-CBN. Natapos ang wedding reception sa wedding dance nina Camille and Anthony sa saliw ng "Everything" ni Michael Bublé. Sinamantala rin ng mga bisitang naroon ang makipag-photo op sa mga artistang naroon bago nagsipag-uwian. Sa pakikipag-usap sa PEP, sinabi ng newlyweds (again) na mag-a-out-of-town daw sila sa kanilang honeymoon. Pero wala pa raw muna silang balak sundan agad si Nathan. - Rommel R. Llanes, PEP
Tags: camilleprats