ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Sen Bong Revilla will stay a Kapuso even after May polls


Nagkaroon ng pagkakataon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press na makausap si Sen. Bong Revilla sa get-together presscon na inihanda ni Mother Lily Monteverde para sa kandidatura ng mag-asawang Bong at Lani Mercado sa May 2010 elections. Ginanap ang presscon nitong Martes (March 16), sa Imperial Palace Suites sa Tomas Morato cor. Timog Ave., Quezon City. Bukod kina Bong at Lani, present din sa presscon ang mga anak nila na sina Bryan, Jolo, Inah, Gianna, Franz, at Ram. Naroon din ang asawa ni Inah na si Vince del Rosario kasama ang anak nilang si Alexa Daniella, gayundin ang anak ni Jolo kay Grace Adriano (daughter of Rosanna Roces) na si Gab o Budoy. Pumunta rin ang ilan sa mga kaibigan ng mga Revilla sa pangunguna na ng aktor na si Phillip Salvador. FOCUS ON THE ELECTION. Ayon kay Sen. Bong, pansamantala muna niyang ipinahinga ang kanyang schedule para sa mga showbiz commitments dahil mas nakatutok nga siya ngayon sa kanyang kampanya para sa muli niyang pagtakbo sa Senado. "Dito muna tayo naka-focus sa kampanya ngayon. Kanina [umaga ng March 16] nga kagagaling lang natin sa Davao para dalawin ang mga kababayan natin doon at hingin na rin ang kanilang suporta para sa darating na eleksyon. Matagal na rin kasi tayong hindi nakadalaw sa Davao, e. Straight from the airport dumiretso kami dito. So, ngayon dito muna tayo sa eleksyon," kuwento ng actor-politician. Nangunguna si Sen. Bong sa mga senatorial surveys na lumalabas. Ano ang masasabi niya rito? "Natutuwa tayo dahil yung tiwala ng mga tao, yung pagmamahal sa akin nandun. Nagpapasalamat ako. Anywhere I go, napakainit ng pagtanggap sa akin. At yung mga surveys na naglabasan, kumbaga, lagi tayong nasa top, talagang nakakatuwa. Hindi mo maipaliwanag, e. Parang tuluy-tuloy yung suwerte natin nanggaling pa sa Panday," ani Bong. Ano naman ang reaksiyon ng kanyang amang si Sen. Ramon Revilla Sr. sa magandang standing niya sa surveys? "Umiiyak siya sa tuwa. At talagang nata-touch din ako. Tapos tatawag sa akin yun, 'Anak, congratulations.' Biglang hihinto siya, yun pala umiiyak na sa phone. Yung pakiramdam na ganun... Sabi ko, 'Daddy, huwag kang iiyak.' Sabi niya, 'I'm very, very happy. Congratulations.'" Masaya ring ibinalita ni Bong na maging ang asawa niyang si Lani, na tumatakbo naman bilang kongresista sa second district ng Cavite, ay maganda ang pagtanggap ng mga Caviteño base na rin sa survey na lumabas. "Base sa survey, 60 percent si Lani, 30 percent yung kalaban niya at yung isa na independent 7 percent, tapos 3 percent undecided. So, she's doing very well in the surveys. Sabi ko nga kung eleksyon na bukas, tapos na ang halalan. Kumbaga sa survey na ganun, matibay na yun. Nakikita ko naman na maganda ang pagtanggap sa kanya sa Bacoor. At saka ang mayor naman doon yung kapatid ko [Strike Revilla]," saad niya. STAYING WITH GMA-7 AFTER THE ELECTION. Matapos ang ilang mga tanong tungkol sa pulitika hindi rin pinalampas ng PEP na matanong si Bong ng ilang bagay na may kinalaman sa kanyang showbiz career. Una na rito ang tungkol sa iniwan niyang hosting job sa Kap's Amazing Stories ng GMA-7, kung saan ang pansamantala niyang naging kapalit ay ang anak na si Ram Revilla with Jayda Avanzado, anak naman nina Jessa Zaragoza at Dingdong Avanzado. Babalik pa ba siya sa show? "Pinababalik na nila ako sa Kap's Amazing immediately after the election," sagot niya. Bukod sa show niyang ito, may iba pa ba siyang gagawin sa GMA-7? "Tingnan natin kung may iba pa tayong magagawang mas maganda." May exclusive contract ba siya sa Kapuso network? "Wala kaming kontrata." Paano kung magkaroon ng offer sa kanya ang ibang network, tatanggapin niya ba ito? "Well, wala, walang nag-o-offer. Nasa GMA pa rin tayo. Mananatili tayong Kapuso even after the election." ANG PANDAY SEQUEL. How about ang sequel ng pelikula niyang Ang Panday, na itinanghal na best picture at topgrosser sa nakaraang Metro Manila Film Festival 2009, matutuloy pa ba ito? "Yun ang pinag-uusapan naming mabuti kung aabot ang Panday. Well, first gusto kong magawa ang Panday. Kumbaga, ipinangako natin iyan sa mga tagahanga at saka sa mga tagasubaybay ng Panday. So, let's see kung aabot." So far, ano na ang status ng Panday 2? "Sa ngayon ginagawa yung script. Tingnan natin kung kayang gawin at kung aabot siya for Metro Manila Film Festival. Medyo alam ko maraming umaasa na kung maipapalabas natin yung Panday. Basta hindi natin pababayaan na hindi maganda yung proyekto. Kung hindi man siya aabot, siguro sa 2011." May usap-usapan na ang Panday 2 daw ang magiging acting debut ng apo niya kay Jolo na si Budoy. Totoo ba ito? "Wala, wala, hindi pa namin napag-usapan. Siyempre marami kang pagpapaalamanan dun, sa nanay niya [Grace], sa lola niya [Rosanna]. Wala, wala. Mag-aaral 'yan, si Budoy," sabi ni Bong. May mga nagsasabi na kinakikitaan na ng potensiyal si Budoy sa pag-arte at pagpe-perform. Kung sakali, papayagan ba niya itong pasukin din ang showbiz? "Makikita mo yung bata mahilig din at matalino. Pero para sa akin, dapat mag-aral muna siyang mabuti. Focus sa pag-aaral," ani Bong. Kumusta naman ang napabalitang team up movie nila ni Bossing Vic Sotto? "Pinag-aaralan ngayon. Yun nga, may mga bagay na dapat i-consider. Tingnan natin. Nothing's definite yet. Let's see after the election," sagot niya. - Glen P. Sibonga, PEP