Dating nagkaroon ng relasyon ang StarStruck 2 graduates na sina Mike Tan at LJ Reyes. Kaya naman nang nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Mike sa presscon ng
Trudis Liit nitong Huwebes, June 17, kasama sa napag-usapan ang tungkol sa kalagayan ngayon ni LJ. Nasa New York ngayon si LJ at hinihintay ang panganganak niya sa anak nila ng boyfriend nitong si Paulo Avelino.
LJ'S PREGNANCY. Ayon kay Mike, nagulat siya nang mabalitaan niyang buntis si LJ. "Nagulat ako. Unexpected, e. Alam mo yun? Bata, e, bata pa tsaka nag-aaral pa nun si LJ. Nasa gitna siya ng career niya. At saka nagkasama pa kami nung Feb para sa fashion show for
StarStruck. So, nagulat talaga ako," aniya. Ano ang ginawa niya nang makumpirma nga niyang buntis si LJ? "Sinubukan ko siyang tawagan, pero nagdalawang-isip ako. So, tinext ko na lang siya, 'Kumusta, okay ka lang ba?'" Hindi raw sumagot agad si LJ sa kanya. "Hindi, pero the next day, sumagot siya, siguro sobrang na-confuse lang siya," sabi ni Mike. "Nag-sorry naman siya, na hindi niya agad nasagot ang text ko. Hindi ko na rin tinanong kung bakit hindi siya nakapag-reply, ganun." Napag-usapan ba nila ang kundisyon ni LJ? "Okay naman siya, masaya siya, e. Nag-invite pa nga siya para sa baby shower niya, e. Kaya lang hindi ako nakapunta kasi galing ako...may trabaho ako nun, e. Hindi ko maalala kung saan pero out of town." Hindi siya nakapunta o hindi siya talaga pumunta? "Hindi, kaibigan ko si LJ," diin ni Mike. "Kung gugustuhin kong pumunta, pupunta talaga ako kaya lang nasa trabaho talaga ako. Nag-text naman ako sa kanya, nag-sorry ako dahil hindi nga ako nakapunta." Kailan niya huling nakausap si LJ? "Bago siya umalis." Close din ba si Mike kay Paulo na ama ng anak ni LJ? "Oo, lagi rin kaming nagkakasama ni Paulo," sagot ng
StarStruck winner. Was there a time na kinausap niya si Paulo at sinabihan na alagaan nito si LJ? "Hindi, hindi!" bulalas niya. "Wala akong lakas ng loob para sabihin sa kanya yun. Sa tingin ko naman, inaalagaan niya nang husto si LJ, e." Bakit wala siyang lakas ng loob? "Nahihiya ako," sagot ni Mile. "Hindi ko... Para sa akin, bilang lalake at simula noong niligawan mo siya, dapat alam mo na yung responsibilidad mo, alam mo na dapat kung paano siya aalagaan. Alam mo rin dapat kung paano siya respetuhin, ganun."
NO REGRETS. May panghihinayang ba si Mike na hindi nagtuluy-tuloy ang relasyon nila noon ni LJ na tumagal ng 10 months? "Wala, wala naman. Alam mo yung sa relasyon naming dalawa, marami akong natutunan, marami akong... Naging mas ano ako, naging mas mature ako sa buhay ko, yung mga goals ko mas nag-iba," saad niya. Magkaibigan sila ngayon. Pero dati, after nilang mag-break, hindi agad sila nag-usap. "Siguro sa lahat naman, alam mo yung masyado pang fresh yung memories, yung wounds, alam mo yun?" rason niya. Pero eventually ay naging magkaibigan din nga sila ni LJ. "Yung mga first week kasi, okay kami. Pero habang tumatagal, mas marami nang nababalita, naririnig, nagkaroon ng gap, tapos nagkahiyaan. Ako nahiya na ako sa kanya, hindi ko na alam kung paano ide-defend yung sarili ko kasi maraming issues na lumalabas. Na ganito daw yung naging... Alam mo yung kung anu-anong sinasabi kung bakit kami nagkahiwalay, ganyan. Nung nagkabati na kami, dire-diretso na yun. Sa isang videoke bar, ano yun, kumbaga reunion ng Batch 2 [ng
StarStruck]." Kapag kinuha siyang ninong ng anak nina LJ at Paulo, papayag ba siya? "Oo," mabilis niyang sagot. May nabanggit na ba sa kanya kung kukunin nga siyang ninong? "Wala, wala pa. Pero kung sakali, papayag naman ako." Masaya raw si Mike na masaya ngayon si LJ. "Oo, masaya ako para sa kanila at masaya ako na magkaibigan kami." -
Rommel Gonzales, PEP