ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Rocco Nacino answers malicious rumors linking him to Tim Yap


Halos isang taon na sa showbiz ang StarStruck V Second Prince na si Rocco Nacino. Pero aminado siya na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sanay sa mga intriga. "Nao-overwhelm pa rin ako. Nagre-react pa rin po ako," pag-amin ng young actor sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) last August 15, sa Jade Palace sa may Shaw Blvd., Mandaluyong City. Ang latest nga na intriga kay Rocco ay ang malisyosong pagli-link sa kanila ng kasamahan niya sa Party Pilipinas at eventologist na si Tim Yap. Ayon sa lumabas na report, "Ma Boy" (My Boy) raw ang "term of endearment" ni Tim kay Rocco. "Yun, nag-react po talaga ako no'n! 'Whaaat?!' Yung mga fans ko nga po, nagre-react din nga po, e," sabi ni Rocco tungkol sa intriga sa kanila ni Tim. Saan ba ito nagsimula? "Nag-tweet po ako sa Twitter, sabi ko, 'On my way to Palawan for Lovebug, wish me luck.' Yung mga kaibigan ko po na artista rin, nag-tweet sa akin, sabi, 'Good luck, good luck.' Nagkataon, si Tim Yap, nag-tweet din sa akin. Sabi niya sa akin, 'Good luck. I know you can do it, ma boy.' So, maybe other people took it in a different way, how he said 'ma boy.' But I took it as a friendly comment, so I said, 'Thank you.' Yun lang naman 'yon. "Pero ganun po talaga, we can't please everybody. Iba-iba talaga ang dating sa ibang tao. So, I don't blame them, let them speak. Hindi naman po kailangang maapektuhan. Kung anuman po yung nasabi, hindi naman totoo, so I don't have to react on that," saad ni Rocco. Nag-usap ba sila ni Tim tungkol dito? "No," sagot niya. "'Pag nagkikita kami, kuwentuhan lang. It shouldn't be something na maaapektuhan yung pagkakaibigan namin." STARSTRUCK BATCHMATES. Among the StarStruck V finalists, walang dudang si Rocco ang pinaka-visible. Bukod sa dalawang regular shows niyang Party Pilipinas at Kaya ng Powers, malapit na ring ipalabas ang "Hearts Don't Lie" episode nila ni Lovi Poe sa Lovebug. Kaliwa't kanan din ang guestings ni Rocco sa iba't ibang programa ng GMA-7. Naitanong namin kay Rocco kung hindi ba nagseselos sa kanya ang mga kasamahan sa StarStruck V na sina Steven Silva (Ultimate Male Survivor), Sarah Lahbati (Ultimate Female Survivor), Diva Montelaba (First Princess), at Enzo Pineda (First Prince), dahil mas marami siyang exposure kumpara sa kanila. Ang sabi niya ay walang selosan sa kanila at masaya ang mga kasamahan niya para sa kanya. "They are, they are," sambit ni Rocco. "Actually, napag-usapan pa nga ho 'yan, naisyu pa 'yan sa Unang Hirit, sa 24 [Oras], sa Showbiz Central..." Dahil mas marami siyang shows at mas madalas siyang makita ay sinasabi tuloy na mas sikat si Rocco kumpara sa kanyang batchmates. Ano ang reaksiyon niya rito? "Never ko pong naisip, never ko pong naisip," sabi niya. "Yung Lovebug ["Exchange of Hearts" episode] po nina Steven, Sarah, Enzo, Diva, I try to watch it and I give my support to them. Yung first episode nila, I was there, I was with Enzo. Tapos, ibinigay ko run yung opinyon ko. Sabi ko sa kanila, 'Pag akin naman, opinion n'yo naman ang ibigay n'yo sa akin.' "Tuwing tinatanong sa akin 'yan, yun ang naaalala ko, e. Parang from that experience, yung conversation ko sa apat, walang inggitan, walang selosan. We're still a family. Nagmamahalan pa rin kami. We're happy for each other." At kung sakali man dumating yung time na mas maraming opportunities na dumating sa kanyang mga kasamahan, magiging masaya rin daw si Rocco para sa kanila. "Yeah, of course, of course!" bulalas niya. "Si Enzo and Diva, they had Maynila [drama anthology]. Nag-text po ako sa kanila, sabi ko, 'Alam n'yo na, ganito magtrabaho si Direk...' I gave them tips na rin sa experience ko sa Maynila. Nagtutulungan po kami." STEVEN & NINA. Kinumusta rin ng PEP kay Rocco ang Ultimate Male Survivor sa kanilang batch na si Steven. Kumpara kasi sa kanila ni Enzo ay tila mas konti ang exposure ni Steven. "He's doing well," sabi naman ni Rocco. "Actually, I asked him kung ano ang nagpapa-busy sa kanya. He has Trailblazers and Party Pilipinas. I make it a point na kapag kinakausap ko po siya, Tagalog po talaga para ma-hone talaga. Today [Aug. 15] ko po siya nakausap nang mas matagal. Mas magaling na po siyang mag-Tagalog. He's getting there. "Siguro for now, parang hatchling pa lang siya, sisiw pa lang siya. Give him two months siguro, okay na, makakasabay na rin po siya. He has it, e. He has the look, he has the attitude... Magaling siyang kumanta, marunong din siyang umarte. Give him konting panahon po." During the StarStruck V competition ay sa Fil-Japanese na si Nina Kodaka ang ipinapareha si Rocco. Ano na ang nangyari sa kanila? "Naging close lang po kami. Nagkataon na naging busy talaga ako sa trabaho ko. Siya, may Startalk, may Spin It [Win It]. Naging busy rin siya ngayon, so hindi kami masyado nakakapag-usap. Pero sa BBM, nagkakausap kami," ani Rocco. PRIMETIME SERIES. Bagamat hindi nababakante ng trabaho si Rocco, gusto pa rin niya siyempreng magkaroon ng isang teleserye o fantaserye na pang-primetime. "Very thankful ako na meron akong regular shows like Kaya ng Powers and Party Pilipinas. Nabigyan pa po ako ng big break dito sa Lovebug. Pero siyempre po, gusto ko rin magkaroon ng primetime na pagbibidahan ko, e," saad niya. Nabanggit ni Rocco sa PEP na nag-audition siya para sa isang upcoming fantaserye ng Kapuso network, pero nagkataon daw na nasa Palawan siya nang magtawag para sa callback. "Sana magawan ng paraan," asam niya. "Yung mismong audition, marami po kaming mga artistang lalake do'n, e. We all go through that process, walang special treatment." - Erwin Santiago, PEP
Tags: rocconacino